Tiniyak ng Philippine Genome Center expert PINAS WALA PANG BRAZILIAN VARIANT

TINIYAK ng Philippine Genome Center expert na wala pang Brazilian variant sa Pilipinas.

Ito ang iginiit ni Dr. Eva Maria Cutiongco Dela Paz, director ng health program ng UP Phil. Genome Center.

Sa Laging Handa public briefing ay sinabi ni Dr. Dela Paz na Brazilian lineage ang mayroon sa bansa at hindi covid variant nito.

Ang Brazilian lineage, ani Dr. Dela Paz ay sub-type ng virus na galing sa isang common ancestor.

Ang variant naman aniya ay tumutukoy sa iba’t ibang pamilya o angkan na nagsanga at nakaipon ng mutations na maaring hindi katulad ng pinanggalingan ng main family line na kapag nakaipon ng significant mutations, natatawag silang variant.

Magkagayunman, sinabi ni Dr. Dela Paz na hindi lahat ng mutation ay nakasasama, bagaman meron ding nakasasama.

Sa kabilang dako, binigyang diin ni Dr. Dela Paz na para maiwasang magkaroon ng mutations ng virus, kailangang mapigilan o mapababa ang mga kaso ng COVID-19 para hindi sila mabigyan ng pagkakataong dumami at magbago ng anyo at lumakas.

Aniya, pareho lamang ang incubation period ng mga variant sa original COVID-19.

Ngunit, sa mga ginawang pagsusuri sa UK variant, mas madali itong makahawa o tinatayang nasa 40% ang pagtaas ng transmissibility nito.

Samantala, wala naman aniyang pagbabago sa uri ng gamutan o pagtugon dito, kundi ang dati pa ring ginagawa tulad ng mahigpit at seryosong pagsunod sa minimum health protocols. (CHRISTIAN DALE)

179

Related posts

Leave a Comment