NANINIWALA ang Philippine National Police na hindi magkakaugnay ang napaulat na serye ng mga kidnapping sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson, Col. Jean Fajardo, sa kanilang inisyal na pag-aanalisa, magkakaiba ang motibo ng nahuling mga suspek sa kidnapping.
“Itong mga insidente na ito ay masasabi natin na hindi naman talaga ito gawa ng isang grupo ng mga tao, ‘yung mga nahuli nating suspek at mga kasong ito ay kanya-kanya silang may personal na motibo,” pahayag ni Col. Fajardo.
Nabatid na nakatakdang magsumite ang PNP ng isang “comprehensive” na ulat tungkol sa mga abduction at pagpatay sa bansa, kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.
Inihayag ni Fajardo, ipinag-utos na ni PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang pag-deploy ng mas maraming pulis sa mga kalsada.
“Pati ‘yung ating mga police na duty sa mga administrative work, sila ay palalabasin na rin particularly ‘yung mga naka-assign po sa mga regional headquarters, national headquarters para makatulong po at ma-complement po ‘yung mga pulis po natin nagre-render ng patrol duties,” ani Fajardo.
“Pati na rin po ‘yung ating mga pulis sa barangay ay ipapa-reactivate po… ‘Yung ating mga barangay police action teams po ay base na rin po sa utos ng ating SILG, ay ire-reactivate po ‘yan para makatulong po sila sa pagpapatrol,” dagdag pa ng opisyal.
Kahapon ay sinasabing naglabas ng ulat ang PNP Batangas na may siyam na katao ang iniulat na nawawala o dinukot mula taong 2021.
Hindi binanggit ng PNP kung kasama sa kanilang datos ang 39 na mga sabungero na hinihinalang puwersahang tinangay o dinukot.
Kamakailan, isang bangkay ang natagpuan sa gilid ng highway sa Quezon na sinasabing dinukot sa Batangas at may isang nawawalang dalagita naman ang natagpuang patay sa Bulacan.
Samantala, napigilan naman ng PNP ang tangkang pagdukot sa isang Malaysian businessman sa Bamban, Tarlac.
Nadakip ng mga awtoridad ang isang Malaysian at apat na Pilipino na kasabwat nito. (JESSE KABEL)
225 