CAVITE – Arestado ang isang lalaki makaraang matunton sa pamamagitan ng social media, ang kinaroroonan ng motorsiklong tinangay umano nito at kinatay Bacoor City noong Linggo ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa PD 1612 (Anti-Fencing Law) ang suspek na si alyas “Jack”, dahil sa reklamo ni Rodrigo Navarette Jr. y Luna, kapwa nasa hustong edad.
Ayon sa ulat, ipinarada ng biktima ang kanyang motorsiklong Honda TMX 155 na may sidecar, sa harapan ng Maliksi Elementary School sa Brgy. Bayanan, Bacoor City subalit nang balikan ito ay hindi na matagpuan.
Sa pamamagitan ng footage ng Closed Circuit Television (CCTV) sa lugar, nalaman nito na tinangay ng suspek ang kanyang motorsiklo.
Bunsod nito, ini-post ng biktima sa kanyang Facebook account, gayundin sa Messenger account sa group ng kanyang kapwa motorcycle drivers, ang hinggil sa pagkawala ng kanyang motorsiklo.
Ilang sandali lang ay nakatanggap ito ng tawag mula sa kanyang kapwa driver na nakita ang sidecar nito sa Brgy. Talon 5, Las Piñas City.
Isa pang tawag ang kanyang natanggap na nakita ang kanyang motorsiklo sa bahay ng suspek sa Brgy. Bayanan, Bacoor City at sinisimulan na umanong katayin.
Agad nitong ipinagbigay-alam sa pulisya ang lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Narekober sa bahay ng suspek ang ilang piraso ng motorsiklo na kinatay kabilang ang sidecar at mug wheels.
(SIGFRED ADSUARA)
175