Kongresista, board member pasimuno sa superspreader event BEACH PARTY SA GITNA NG PANDEMYA

(JG TUMBADO)

SINAMPAHAN ng reklamo sa Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa paglabag sa umiiral na regulasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) si Cebu 5th District Representative Vincent Franco “Duke” Frasco sa pagiging pasimuno nito sa isang malaking party event sa Camotes Island noong nakalipas na Hulyo, 2021.

Batay sa dokumentong nakalap, Agosto 13, 2021 nang iparating kay DILG Region VII Director Jhoaden Lucero ang reklamo ng isang hindi na nagpakilalang indibidwal laban kina Frasco, Mike Villamor at Provincial Board Member Red Duterte dahil sa pag-organisa ng party na ginanap noong July 10, 2021 sa Barangay Santiago Public Beach, Camotes Island, Cebu.

Nauna umanong nagdaos ng fun run ang grupo ni Frasco bago ginanap ang party kinagabihan ng araw ding iyon kung saan ay na dokumentuhan ang pangyayari.

Nakuhanan ng video si Frasco habang humahataw ng sayaw kasama ang ilang personalidad habang makikita rin na dinagsa ang beach ng mga taong nanonood na literal na nagdikit-dikit ang mga katawan at hindi na naobserbahan ang minimum health protocol partikular ang physical distancing.

Ayon sa reklamo, malinaw na paglabag sa IATF rules ang event na inorganisa ni Frasco gaya sa pagbabawal sa mass gatherings at parties.

Wala rin umanong clearance o permit si Frasco sa Barangay at LGU para ganapin ang nasabing superspreader event ilang araw matapos i-anunsyo ng DOH ang pagkakadiskubre sa mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Wala pang sagot si Frasco habang isinusulat ang ulat na ito.

Imbestigasyon ng PNP

Kaugnay nito, pinaiimbestigahan na rin umano ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar sa Cebu Provincial Police Office (CPPO) ang naturang party.

Ayon kay Eleazar, susunod sila sa direktiba ni DILG Secretary Eduardo Año na imbestigahan ang naturang pagtitipon kung may nalabag sa pinaiiral na quarantine protocols ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Itinuturing na mass gathering at superspreader event ang party na inorganisa ni Frasco nitong July 10, 2021.

Dagdag pa ni Eleazar, mangangalap ng ebidensya ang mga local police sa lugar at makikipag-ugnayan sa LGU tungkol sa insidente.

Base sa uploaded video ng naturang beach party, ipinapakita na tila binabalewala lamang ng mga dumalo ang minimum public health safety standards at quarantine protocols.

Paalala ni Eleazar sa publiko, may umiiral pa ring COVID-19 pandemic kaya dapat mahigpit sundin ang minimum health standards at ipinagbabawal ang mass gatherings o iba pang okasyon na posibleng maging superspreader events.

Samantala, hinikayat ng PNP chief ang publiko na ipagpatuloy lang ang pag-uulat sa mga awtoridad hinggil sa mga paglabag sa minimum public health safety standards at quarantine protocols.

325

Related posts

Leave a Comment