INIHAYAG ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente ang pagkakaaresto sa isang South Korean fugitive na wanted sa kasong attempted murder sa Seoul.
Kinilala ni Morente ang suspek na si Lee Hoonhee, 47-anyos, naaresto noong Huwebes sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga ng mga operatiba mula sa Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU).
Ayon kay Morente, nag-isyu siya ng mission order para sa pag-aresto kay Lee matapos impormahan ng South Korean Embassy ang BI na may warrant para arestuhin ang suspek na inisyu ng Incheon District Court noong Disyembre 23, 2020.
Sinabi naman ni BI FSU Chief Bobby Raquepo, si Lee ay pakay ng Interpol Red Notice kaugnay sa arrest warrant na nag-ugat sa kasong attempted murder na isinampa sa suspek sa Incheon court.
“He will be deported and subsequently placed on our blacklist of undesirable aliens, thus he will be banned from re-entering the Philippines,” ani Morente.
Ang passport ni Lee ay ni-revoke ng Korean government at siya nahaharap sa deportasyon bilang isang undocumented alien.
Base pa sa impormasyon mula sa BI, ang suspek ay kabilang umano sa ‘hired killers’ sa tangkang pagpatay sa kapwa Koreano na pinagkakautangan niya ng malaking halaga ng pera.
Noong Disyembre 18, 2019, dalawang hired killers ang bumaril sa biktima ngunit sumablay ang mga ito sa kanilang target.
Si Lee ay kasalukuyang nakakulong sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig City at nakabinbin ang kanyang deportasyon sa Korea. (JOEL O. AMONGO)
