“THIS is not just a crisis—it’s a national emergency,” ganito inilarawan ni House Deputy Minority Leader France Castro ang kalagayan ng edukasyon sa bansa na lumabas sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) na halos 19 milyon graduate ng junior high school ang bumagsak sa literacy dahil hindi nila naiintindihan ang kanilang binabasa.
Nagsimula umano ang problema noong 2019 hanggang 2024 kaya hindi na umano ito maituturing na isang educational crisis kundi isa nang national emergency na dapat tugunan agad ng gobyerno.
“When one out of five senior high school graduates cannot comprehend a simple story despite years of schooling, we are looking at a systemic failure that threatens our country’s future. Ito ay patunay na bumabagsak ang ating sistema ng edukasyon at hindi ito nabibigyan ng sapat na atensyon ng kasalukuyang administrasyon,” ayon sa mambabatas na dati ring isang guro.
Base rin sa report ng Functional Literacy, Education and Mass Media Study (FLEMMS) ng PSA, 79 porsyento lamang sa senior high school graduate noong 2024 ang ‘functionally literate’, na ang ibig sabihin ay maraming marunong magsulat, magbasa at mag-compute subalit pagdating sa comprehension skills sa pag-unawa sa kanilang binabasa ay bokya ang mga ito.
“Nakakabahala na sa kabila ng K-12 program, milyun-milyon pa rin ang mga kabataang Pilipino ang hindi nakakaunawa ng binabasa nila. How can we expect them to compete in today’s knowledge-based economy when they lack the most basic skills needed for meaningful employment and participation in society?” tanong ni Castro.
Sinabi naman ni dating congressman Antonio Tinio na dekada na umanong pinapabayaan ng gobyerno ang sektor ng edukasyon dahil mas binuhusan ng pondo ang mga bagay na hindi mahalaga para sa kapakanan ng sambayanan.
Lalong lumala umano ang problema dahil sa kakulangan ng mga Guro at gayundin ng mga silid-aralan, textbook at iba pang kailangang para maitaas ang kalidad ng edukasyon sa bansa subalit tila binabalewala ito ng pamahalaan.
Ang katotohanan ay simple lang, wika ng dating mambabatas, “kung kulang ang pamumuhunan sa edukasyon, kulang ang sahod ng mga guro at education support personnel, kulang din ang matututunan ng ating mga mag-aaral.”
(PRIMITIVO MAKILING)
