BINATIKOS ni Senadora Imee Marcos ang lahat ng kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakaraan
nitong State of the Nation Address (SONA) na nagsabing nagbibingi-bingihan at manhid ang
punong ehekutibo sa malinaw na panawagan ng pagbabago sa Pilipinas.
“Napakalinaw ng pahayag ng ating Pangulo sa kanyang SONA: Magbago o tuluyan nang maglaho!
Siya ang mangunguna sa pagbabago laban sa napakaraming mga virus na namemerwisyo sa ating
bansa – COVID-19, lahat ng uri ng korapsyon, criminal syndicates at mga sinauna at
makapangyarihang oligarkiya,” paliwanag ni Marcos.
“Totoo na sa bawat krisis, lumilikha ito ng oportunidad. Dapat ang pandemyang ito ang magbigay
sa atin ng pagkakataon para tuluyan nang mawalis ang mga bulok at magamot ang sakit ng ating
bansa at pagkalooban tayo ng magandang dahilan at lakas para tanggalin ang oligarkong mapang-
api at maiproseso ang tuluyang pagbabago sa Pilipinas. Sama-sama tayong kumilos, magtrabaho at
isalba ang ating bansa!” dagdag ni Marcos.
Binatikos ni Marcos ang reklamo ng mga kritiko ng Pangulo na umano’y kulang ang SONA sa
tinatawag na roadmap to recovery, gayundin sa pagkanti sa mga oligarkong palpak ang serbisyo ng
public utilities gaya ng telecom, kuryente at tubig, kasabay ng patuloy na pamamayagpag ng
katiwalian o korapsyon at talamak na bentahan ng droga dahilan para manawagan siya na ibalik
ang death penalty.
“Marami ang pumuna sa kawalan ng pinalawak na planong pang-ekonomiya sa SONA ng Pangulo.
Pero kung hahanapin lang ang mga masalimuot na pagtalakay sa micro-economics, talagang hindi
kaagad ito mapapansin. Ang mga espisipikong mga panukalang batas na inaapela niya sa Kongreso
na ipasa ay bahagi ng roadmap sa recovery ng bansa na matagal na pinoproseso bago pa man
mag-lockdown,” sabi pa ni Marcos.
Nagbabala rin si Marcos na mayroon na lang dalawang taon ang mapangahas at matapang na
pamumuno ni Pangulong Duterte para magkaisa ang lahat.
“Trabaho ng mga economic manager at lehislatura na sabay-sabay na ayusin ang mga detalye ng
mga epektibong proteksyon ng lipunan, tunay na healthcare modernization gayundin ang mabilisan
at universal na economic recovery,” dagdag pa ni Marcos. (NOEL ABUEL)
