MAUGONG sa mababang kapulungan ng Kongreso na matutuloy ang kudeta laban kay House Speaker Alan Peter Cayetano ngayong araw, Lunes.
Sa impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon, magkakaroon umano ng botohan sa speakership ngayong araw dahil idedeklara sa session Hall na ibakante ang speakership.
Ngayon araw ay itinakdang “all women session” bilang paggunita sa Women’s Month ngayong Marso subalit maaaring mabago ito kapag may magmosyon na ibakante ang posisyon ni Cayetano.
Hindi sinabi ng impormante kung sino ang mga tatakbo bilang speaker subalit inaasahan na kasama rito si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Maaari pa ring tumakbo si Cayetano bilang Speaker at kung sino sa mga kandidato ang makakakuha ng pinakamaraming boto ang siyang iluluklok na speaker ng Kamara.
Unang inilutang ni Cayetano na may planong maglunsad ng kudeta laban sa kanya sa pangunguna ni Velasco bagay
na itinanggi ng Marinduque congressman.
“HUWAG KANG PRANING”
Ito naman ang mistulang mensahe ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza kay Speaker Cayetano kaugnay ng lumutang na kudeta.
“Stop creating a scenario of treachery and an attempted coup. There is no such thing, Mr. Speaker. You are creating the problem. There is no problem,” pahayag ni Atienza.
Unang sinabi ni Cayetano na 20 congressmen na umano ang pinangakuan ni Velasco ng malalaking chairmanship at karagdagang pondo para sa kanilang mga proyekto bagay na itinanggi ng huli.
“Congressman Velasco, in his common sense, will not attempt anything because all he has to do now is wait until October when your term ends—that is, if you follow the gentleman’s agreement. Usapang lalaki yun,” ani Atienza.
Sina Cayetano at Velasco ay may kasunduan na maghahati sa pamumuno sa Kamara ngayong 18th Congress o ang tinatawag na term sharing kung saan magsisilbi ang Taguig solon ng 15 buwan na matatapos sa Oktubre habang ang Marinduque congressman ay magiging Speaker sa natitirang 21 buwan ng kasalukuyang Kongreso.
AWAY-AWAY NA
Tila to the rescue naman ang isa sa mga kaalyado ni Cayetano na si Kabayan party-list Rep. Ron Salo matapos bakbakan sina Atienza at PBA party-list Rep. Jericho Nograles.
Hindi nagustuhan ni Salo ang pahayag ni Atienza na gawa-gawa lang ni Cayetano ang isyu sa kudeta dahil may mga congressman na aniya ang umamin sa planong kudeta.
“Marahil ay nainip na si Atienza dahil wala naman siyang ginagawa sa Kongreso kundi sabihin lagi na wala raw quorum sa plenaryo kaya naman kung anu-ano na ang pumasok sa imahinasyon niya,” ani Salo.
Maging si Nograles na mula sa Davao City ay binakbakan ni Salo dahil sa pagsawsaw umano nito sa nasabing isyu. BERNARD TAGUINOD
294 