KUDETANG INISYATIBA NG US

SIDEBAR

Hindi malinaw kung saan hinugot ng founder ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison ang kanyang analisis na posibleng mag-inisyatiba ang Estados Unidos sa pagsasagawa ng isang kudeta para patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Malamang na sa online edition ng mga pahayagan nakalap ni Sison ang kanyang impormasyon hinggil sa posibilidad na magkaroon ng US-backed coup sa Pilipinas na may kinalaman sa pagiging malapit ng administrasyong Duterte sa bansang China na may “trade war” ngayon sa US na nag-ugat naman sa isyu ng Chinese-owned na Huawei telecom.

Parang script sa pelikula ang analisis ni Sison kung saan uutusan lang ng US ang mga impluwensiyado nitong mga opisyal ng Armed Forces at Philippine National Police na magdedetine sa pangulo at magluluklok kay Vice President Leni Robredo bilang “constitutional successor”.

Natural lang na tawanan ng Malacañang ang ganitong mga uri ng espekulasyon na nanggagaling kay Sison na mahigit 30 taon na ring naninirahan sa Netherlands. “It’s not only ironic, it’s pitiful that this man has to rely on a foreign country to effect a change of leadership in this country. It is an admission in fact that their revolution has failed,” ani Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Ang malaking katanungan ay kung sakali ngang magkaroon ng kudeta ang AFP at PNP na suportado ng US, ano naman ang kasiguruhan na magtatagumpay ito? Ilang beses ngang naglunsad ng kudeta ang RAM at YOU noong panahon ni Pangulong Corazon Aquino pero hindi ito nagtagumpay at sa pinakahuling kudeta noong Disyembre 1989 ay sumuporta pa kay Gng. Aquino ang pamahalaan ni US President George Bush.

Maski nga sa bansang Venezuela ay hindi nagtagumpay ang plano ng US na patalsikin sa puwesto si Pangulong Nicolas Maduro partikular ang tangkang kudeta noong Abril 30 na hindi nagtagumpay at bagkus ay lalong nagpalakas sa sosyalistang gobyerno ni Maduro.

2001 nang mag-sponsor ng matagumpay na kudeta ang US sa Venezuela na nag-alis sa puwesto kay Pangulong Hugo Chavez pero sa loob lamang ng ilang buwan ay nag-counter coup ang mga tagasuporta ni Chavez sa militar at muli siyang naibalik sa puwesto.

Naputol ang termino ni Hugo Chavez nang mamatay siya dahil sa brain cancer at ang pumalit sa kanya ay ang kanyang kapartido at kapwa sosyalista at anti-US na si Maduro.

Sa ilalim ng pamamahala ni Maduro nakaranas ng matinding krisis ang Venezuela at agad na sinuportahan ng US at mga alyado nito ang 35-anyos na si National Assembly President Juan Guaido na idineklarang “interim president”.

Agad binigyan ng pagkilala si Guaido ni US President Donald Trump kasama ang mga alyadong bansa nito gaya ng Canada, Brazil, Argentina at Colombia. Pinutol na ni Maduro ang diplomatic ties ng Venezuela sa US at kasunod nito ang pagpapaalis sa lahat ng opisyal at empleyado ng US Embassy sa Caracas.

Patuloy ang pakikialam ng US sa bansang Venezuela dahil na rin sa malaking reserba ng langis nito at US ang nangungunang importer ng langis galing sa mga miyembrong bansa ng makapangyarihang Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC).

Nananatili sa poder si Maduro sa kanyang ikalawang six-year term at suportado pa rin ng kanyang mga kababayan na ang mayorya ay mahihirap na manggagawa at magsasaka na siya ring base ng suporta noon ni Hugo Chavez.

Pumalpak ang US-sponsored coup attempt laban kay Maduro noong Abril 30.

Malamang na hindi rin magtatagumpay lang ano mang kudeta laban sa administrasyong Duterte na suportado pa rin ng maraming Filipino kabilang na ang mga opisyal at sundalo ng AFP pati na ang PNP.    (Sidebar / RAYMOND BURGOS)

153

Related posts

Leave a Comment