MAS matinding hamon ang kahaharapin ng Philippine General Hospital (PGH) bunsod ng biglaang pagbibitiw ng 10 doktor na itinalaga ng Department of Health (DOH) sa nasabing pagamutan.
Pag-amin ni Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, higit silang mahihirapan sa pagbibitiw ng mga nasabing manggagamot lalo pa’t manipis na ang hanay ng mga medical professionals na personal na kumakalinga sa mga tinamaan ng nakamamatay na sakit.
Bukod sa doktor, marami na rin umano sa nurses ang nagbitiw matapos tamaan din ng COVID-19 sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Mayroon pa nga aniyang ilan pang medical professionals ng kanilang pasilidad ang nasa mga quarantine facilities dahil maging sila mismo, hindi nakalusot sa bagsik ng nakamamatay na virus.
Gayunpaman, iginagalang nila ang pasyang pagbibitiw ng mga naturang manggagamot, kasabay ng pahayag ng panlulumo dahil malaking kawalan aniya ang 10 doktor sa gitna ng patuloy na banta ng pandemya.
Bunsod nito, pinakiusapan na umano nila ang iba pang health workers mula sa ibang departamento ng PGH para tumulong sa pagbibigay kalinga at lunas sa patuloy na pagdami pa ng dumarating na pasyente.
Subalit hindi pa rin aniya sumapat dahil kinailangan pa rin nilang mag-iwan ng health workers para naman sa mga non-COVID cases.
“The director has a request that all departments should be sending out some of their residents para tumulong, all hands on deck. Kahit ‘di mo specialty ‘yan, magpapadala and that’s what’s been happening just to augment. Even with that, kapos pa rin because we have other non-COVID patients pa to take care of,” Del Rosario said.
Hindi naman sinabi ni Del Rosario ang dahilan ng pagbibitiw ng 10 doktor, bagamat nauunawaan aniya niya ang sitwasyon lalo pa’t hindi naman daw talaga sapat ang tinatanggap nilang sahod kung ikukumpara sa dami ng trabaho at araw na inilalagi nila sa ospital.
“Maybe I can just hypothesize. Maaaring napagod na din, maaaring ‘yung iba nagkakasakit, they probably look at PGH masyadong maraming trabaho. And then the truth of the matter is they probably could be earning more if they just work — less work, higher pay outside,” saad ni del Rosario.
Pagtatapat pa ng tagapagsalita ng PGH, umaapaw na sa dami ng pasyente ang kanilang ospital. Katunayan pa aniya, mahigit 100 pasyente ang nakapila sa itinalaga nilang waiting area sa PGH compound.
Maging ang kanilang emergency room, ginawa na rin nilang intensive care unit kung saan nila kinakabitan ng ventilators at oxygen ang mga dumarating na severe cases. (RENE CRISOSTOMO)
306
