Kumpirmadong pulis 2 VIRAL RIDER SA ZAMBALES TUKOY NA

NATUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang rider na nakuhanan ng video at naging viral sa social media dahil sa delikadong motorcycle stunt habang binabagtas ang national highway sa Zambales.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, pawang mga pulis nga ang dalawang rider na itinampok ng netizens sa viral video at nakatalaga sa Police Regional Office 3 sa Camp Olivas, San Fernando, Pampanga.

“Nitong nakalipas na araw ay nagbigay tayo ng kautusan para tukuyin ang pagkakakilanlan ng dalawang riders na nagpasikat sa isang highway sa Zambales. Kaagad namang nakilala ang dalawang ito at nakumpirma namin na sila nga ay mga pulis,” pahayag ni Eleazar.

Kinilala ang mga pulis na “exhibitionist” na sina Police Chief Master Sgt. Israel Bondoc at Police Master Sgt. Manuel Tolentino.

Sinabi ni Eleazar na isinailalim na sa “disciplinary measures” ang dalawang pulis na ngayon ay pansamantalang na-relieved sa puwesto.

Makikita ang dalawang pulis na gumagawa ng motorcycle stunts na tinawag na “kamote riders” at iresponsable ng mga netizen dahil sa tahasang paglabag nila sa batas trapiko at road safety. (JG TUMBADO)

127

Related posts

Leave a Comment