NOONG bata pa lamang kami, alaga kami ng mga magulang namin ng sermon at pangaral. May mga pagkakataon na napapalo kami kapag sumusuway sa kanilang batas.
Wala pang batas noon na bawal mamalo ng bata kaya bukod sa palo nakatitikim din kami ng parusa tulad ng pagluhod sa bilao na merong monggo kapag sumobra at matindi na talaga ang kasalanang nagawa namin sa aming mga magulang. Ang sakit nun!
Kahit sa school, may mga teacher kami na namamalo kapag magulo kami sa loob ng klase o kaya napabayaan namin ang mga tanim namin sa gardening class o kapag hindi namin nagawa ang aming project sa practical arts class.
Don’t get me wrong…hindi ako galit sa mga magulang ko o kaya sa teachers na namalo at nagparusa sa amin dahil sa mga nagawa naming pagkakamali o kasalanan.
Nakatulong ‘yun para kami ay maging responsable. Naitanim sa aming isip ang takot sa magulang kaya ingat na ingat kami na magkamali at gumawa ng kasalanan na labag sa batas sa loob ng aming tahanan.
Karaniwang sinasabi sa amin ng aming magulang na ginagawa nila ‘yun, hindi dahil hindi nila kami mahal. Mahal nila kami kaya ginagawa nila ‘yun para hindi kami maligaw ng landas.
Pero kung may magulang na sistemang militar ang pagdidisiplina sa kanilang mga anak, may mga magulang din ng kunsintidor sa kanilang mga anak. Mali na ang ginagawa ng mga anak, hinayaan na lang nila dahil magbabago rin naman ‘yan pagtanda n’ya.
Kapag nakagawa ng kasalanan ang mga anak sa ibang bata, magulang ang susugod sa nakaaway ng anak at makikipag-away sa magulang ng mga inaway ng kanilang anak.
Kahit alam ng mga magulang ng mga batang ito na kasalanan ng kanilang anak, ipagtatanggol pa rin nila at makikipagpatayan pa ang mga iyan para idepensa ang pasaway na anak.
Dahil diyan, natuturuan ang mga bata na maging iresponsable at paglaki nila, akala nila lahat ng ginagawa nila ay tama kahit alam nilang lumalabag na sila sa batas ng tao at Diyos.
Parang ganyan na ganyan ang nangyayari sa gobyerno. Nagkakaroon ng pangungunsinti sa government officials na nagkakamali, nagkukulang at nasasangkot sa katiwalian.
Imbes na kastiguhin ng kanilang ama ang government officials sa kanilang kainutilan at pagiging iresponsable sa pagganap sa kanilang tungkulin para sa mamamayan na pinangakuan nilang pagsisilbihan, ay ipinagtatanggol pa.
Imbes na sitahin sa mga pera ng bayan na hindi nila ginagastos kahit marami ang nangangailangan, ipagtatanggol pa nila at sasabihin sa atin na wala namang nawalang pera.
Imbes na sabihan ang mga appointee na gamitin nang tama ang pera ng bayan at huwag bumili ng mas mahal na produkto kung meron namang makukuhang mura, idedepensa pa nila.
Hindi na ako magtataka kung bakit maraming government officials na hindi natatakot na gumawa ng anomalya dahil alam naman nila na ipagtatanggol sila ng kanilang ama.
Parang mga anak ng mga kunsintidor na magulang ang government officials dahil kapag nakagawa sila ng kabalbalan, ang kanilang ama ang makikipag-away para sa kanila.
Naliligaw tuloy ng landas ang government officials tulad ng mga anak ng mga kunsintidor na magulang dahil hindi sila pinarurusahan bagkus ay parang kinukunsinti pa sila!!
270 