Kupad na kupad kay AJ Leonen KASO NI QUIMBO INAMAG NA

NAKABIBINGI pa rin ang katahimikan ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) na pinamumunuan ni Supreme Court Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen sa election protest laban kay Marikina 2nd district Rep. Estella Quimbo.

Sa obserbasyon ng marami, wala pang senyales na reresolbahin ng HRET ang ‘inaamag’ nang election protest na isinampa ni dating party-list Congressman Eugene de Vera laban kay Quimbo bago sumapit ang ikalawang taon ng kaso.

Magugunita na July 2019 ay nagsampa si De Vera ng election protest laban kay Quimbo dahil nilabag umano nito ang Philippine Competition Act o Republic Act No. 10667, nang tumakbo agad ito pagkatapos mag-resign bilang commissioner ng Philippine Competition Commission (PCC).

Ayon sa abogadong si De Vera, nakasaad sa Section 8 na hindi pinapayagan ang mga opisyal ng PCC “in the election immediately succeeding their cessation from office”.

“To date, there is no final decision from any court of competent jurisdiction which declares the afore-quoted law as unconstitutional, hence it is a perfectly valid law which must be followed, for ours is a government of laws and not of men,” ani De Vera sa kanyang election protest.

Itinago rin umano ni Quimbo sa mga taga-Marikina City partikular na sa ikalawang districto ng lungsod ang katotohanan at maging sa Commission on Elections (Comelec) ang katotohanan na dati siyang commissioner ng PCC.

“And to hide this fact, she stated in her COC (Certificate of Candidacy) that she was just a teacher,” ayon pa sa election protest ni De Vera.

Gayunpaman, isang taon at pitong buwan na ang election protest laban kay Quimbo ay wala pang nakikitang senyales na mareresolba na ang kaso sa lalong madaling panahon.

Kasama ang kasong ito sa mga binanggit na dahilan sa impeachment complaint laban kay Leonen na hanggang ngayon ay hindi pa inire-refer ni House Speaker Lord Allan Velasco sa plenaryo.

Magugunita na sinampahan ni FLAG Secretary General Ed Cordevilla si Leonen ng impeachment case noong Disyembre 7, 2020 subalit hanggang noong nakaraang linggo ay hindi pa ito inaaksyunan ni Velasco kahit may endorser na sa katauhan ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba.

Si Leonen ay appointee ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na kapartido ni Quimbo sa Liberal Party (LP).(BERNARD TAGUINOD)

268

Related posts

Leave a Comment