CLICKBAIT ni JO BARLIZO
MARAMI na ang pumupuna sa tila pagiging maingat ni Ombudsman Boying Remulla sa imbestigasyon sa flood control anomalies sa tuwing ang tanong ay nakadugtong sa pangalan ni Martin Romualdez.
Sa simula pa lang, nabanggit na ang pangalan ng dating House Speaker at sa patuloy na paggulong ng imbestigasyon ay palagi itong nababanggit. Consistent, ika nga nila.
Pero sa kabila nito, tila raw may contrast kung ikukumpara sa iba pang mga personalidad na idinadawit sa anomalya. Sa ilang opisyal tulad ng mga senador, mabilis ang galaw ng Ombudsman.
May pangalan agad, may matitinding pahayag, at may bantang kaso. Pero kay Romualdez, nagiging mas mahinahon at teknikal ang paliwanag. Madalas marinig ang linyang walang direktang ebidensya o paper trail, at baka negligence lang ang isyu.
Kaya hindi mo rin masisisi kung may mga nagtatanong. Kung iisang set ng ebidensya at testimonya ang ginagamit, bakit tila iba ang bigat ng pagtingin depende sa taong sangkot? Kung may sapat na basehan laban sa iba, bakit hindi pa ito sapat para sa mas agresibong pagsisiyasat sa isang pangalan na paulit-ulit lumilitaw?
Nakadaragdag pa sa pagdududa ang pahayag ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na nagsabing cleared si Romualdez ayon daw sa Independent Commission for Infrastructure (ICI). Ang problema, hindi pa inilalabas ang ICI report sa publiko at nasa Ombudsman pa lamang. Hindi rin malinaw kung paano ito nakita ni Acidre.
Dito pumapasok ang mas mabigat na usapin ng access sa impormasyon. Sino ang may hawak at sino ang may advance na kopya? At bakit tila nauuna ang depensa bago ang opisyal na resulta?
Sa mga ulat at pagdinig, may mga testigong nag-uugnay kay Romualdez sa malawakang galaw ng pondo at impluwensya sa budget. Pero sa kabila nito, tila hindi siya sentro ng imbestigasyon.
Mas lalong nagiging komplikado ang sitwasyon nang aminin ni Remulla na nakausap niya si Romualdez at magka-brod sila sa fraternity sa UP Upsilon Sigma Phi. Kahit sabihin pang walang bias, nag-iiwan ito ng tanong sa isipan ng mamamayan.
Ang usapin ng malawakang korupsyon sa flood control projects ay hindi tungkol sa isang tao lang kundi sa consistency ng hustisya. Dapat iisa ang sukatan para sa lahat.
141 