LABAN NINA DONAIRE, CASIMERO TULOY NA!

Ni VT ROMANO

TULOY na ang laban nina John Riel Casimero at Nonito Donaire. Ngunit sa magkaibang challenger.

Ito’y matapos iutos ng World Boxing Organization (WBO) na idepensa ni Casimero ang 118-lb crown kay mandatory challenger Paul Butler.

Si Donaire naman ay inatasan ng World Boxing Council (WBC) na magdepensa laban kay Pinoy interim champion Reymart Gaballo.

Nitong Martes lang, nagkasundo na sina Casimero at Donaire matapos ang face-off sa isang video call, para maisagawa na ang naunsiyami nilang paghaharap.

Ngunit Miyerkoles ay kinausap umano ng WBO ang kampo nina Casimero at Butler para sa negosasyon sa laban – petsa, lugar at premyo. At binigyan ng negotiation period hanggang October 12.

Maaaring hilingin ng magkabilang panig na mag-purse bid, kung saan lahat ng WBO-registered promoters ay puwedeng mag-bid nang hindi lalampas sa $100,000 minimum limit.

“The WBO World Championship Committee hereby orders the parties herein commencement of negotiations for the above-mentioned WBO Bantamweight Mandatory Championship Contest,” laman ng official letter ni Luis Batista-Salas, chairman ng WBO ­Championship Committee, na ipinadala sa magkabilang kampo.

Dagdag pa sa sulat: “Please be advised that the parties have twenty (20) days upon receipt of this letter to reach an agreement. If an accord is not reached within the time frame set forth herein, a Purse Bid will be ordered pursuant to WBO Regulations of World Championship Contests.”

Ayon sa BoxingScene.com, ipinadala ang kalatas kay Sean Gibbons, presidente ng MP Promotions at may hawak kay Casimero, at Lee Eaton ng MTK ­Global na kumakatawan kay Butler.

Matapos ang 3rd round knockout win kay Zolani Tete ng Africa para hablutin ang WBO crown, nakadalawang depensa na si Casimero (31-4, 21 KOs), laban kina Duke Micah (3rd round KO) at Guillermo Rigondeaux (split decision).

Dating IBF bantam champion si Butler (33-2, 15KOs) noong 2014. Binakante ito para sumabak sa junior bantam title, ngunit nabigo siya nang matalo kay Tete (Marso 2015) para sa 115-pound title.

Kasunod nito, nagtala ng siyam na panalo, bago natalo sa decision kay ­dating unbeaten Emmanuel Rodriguez Mayo 2018 para sa bakanteng IBF bantam crown.

Matapos ito, ang 32-anyos na si Butler ay muling nagtala ng pitong panalo, ang pinakahuli ay laban kay Willialdo Garcia noong Hunyo sa Bolton, England na dahilan para maiposisyon ang sarili bilang mandatory challenger kay Casimero.

100

Related posts

Leave a Comment