REKLAMO VS TNVS PRESIDENT AKSYUNAN NA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ANO ang mas mabilis mawala – pasensya mo sa traffic o ang hustisya para sa mga drayber na nagreklamo dahil nabiktima ng panloloko?

Nangangalampag na ang mga driver na na-estafa raw ng presidente ng Laban TNVS.

Tanong nila, kailan ba mabibigyan ng hatol ng korte ang kanilang reklamo laban kay Jun de Leon na kanilang inakusahan ng estafa?

Apat na taon na kasi ang nakalipas, ngunit parang TNVS driver na na-auto-cancel—hindi pa rin nila makita kung nasaan na ang hustisya.

Sa halip na maging “Laban TNVS,” mukhang “Kalaban TNVS” na raw si de Leon para sa mga drayber na umano’y niloko at ginamit niya para sa sariling interes.

Ganito ang kwento, sa gitna ng pandemya, kung kailan desperado ang mga ride-hailing driver na makaraos, isang iskandalo ang lumutang—ang diumano’y pananamantala ni de Leon sa ayuda ng gobyerno.

Ayon sa reklamo, ginamit ni Jun de Leon at ng kanyang mga kasama ang koneksyon nila sa transport sector para “makapangikil” sa mga drayber na gustong makakuha ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2021.

Sa halip na ipaglaban sila na makakuha ng ayuda, pinagbabayad umano sila ng P1,500 kapalit ng pekeng certification para lang makuha ang perang dapat naman ay para sa kanila. Kung kailan pinaka-kailangan ng mga TNVS driver ang ayuda, doon pa sila sinamantala.

Hindi ito ordinaryong kaso ng estafa—maituturing kasi itong pagnanakaw mula sa mahihirap, mula sa mga taong walang ibang aasahan kundi ang ayudang iyon.

Habang ang ibang drayber ay walang maihain sa pamilya at pilit na isinasalba ang kanilang mga sasakyan sa gitna ng lockdown, si Jun de Leon anila ay unti-unting nagkaroon ng marangyang buhay. Makikita sa mga larawan niya sa social media at mga interview sa telebisyon ang mga Rolex na bigla na lang lumitaw, ang mga makapal na gintong kuwintas, na tila nagpapakitang hindi naapektuhan ng hirap na dinanas ng ibang TNVS drivers.

Hindi tuloy maiwasang mapa-SANA ALL! ng mga naghihimutok na TNVS driver.

Abril 2021 pa isinampa ang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office. May testimonya, may ebidensya, at may pormal na reklamo na mula mismo sa DSWD Head Office. Pero ngayon, 2025 na—nasaan na ang kasong ito? Bakit walang balita sa progreso ng kaso?

Uusad pa ba o matetengga na parang biyaheng Cubao to Makati ang kaso?

Nagdududa na tuloy ang mga nagreklamo na baka may ‘kapit’ sa gobyerno si De Leon?

Sa mga kinauukulan diyan, baka pwedeng bilisan naman ninyo. Sabi nga ng mga netizen: Paki-galaw ang baso!

Bukas ang espasyong ito sa panig ng inirereklamong si Jun De Leon.

95

Related posts

Leave a Comment