KUNG pagbabatayan ang pinakahuling datos ng Octa Research Group, mukhang nahaharap muli ang bansa sa isang dambuhalang problemang paulit-ulit nang naglugmok sa ating ekonomiya.
Ayon sa Octa, muling sumisipa ang bilang ng mga taong nagpopositibo sa nakamamatay na sakit na unang natuklasan sa bansang Tsina.
Sa kanilang datos, lumalabas na pumalo na sa nakakaalarmang 5% daily positivity rate ang National Capital Region (NCR) kung saan pinakamataas ang populasyon.
Babala pa ng grupo, asahang sasampa ulit sa libong katao ang arawang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 bunsod ng mas nakahahawang mutated virus strain na kilala bilang Omicron variant.
Bagama’t unang sinabi ng Octa na posibleng dulot lang ng Kapaskuhan ang pag-dami ng mga positibo, biglang kumambyo ang nasabing grupong muling nanawagan sa Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan at mas masigasig na pagbabakuna.
Kung babalikan ang nakaraan, parang replay lang ang mga bagong kaganapan.
Ang dahilan – labis na kumpiyansa ng pamahalaang hangad ay pasiglahin ang ekonomiyang lugmok sa paraang pagluluwag ng alert levels na hudyat ng pagpasok ng mga dayuhang positibo at malawakang pahintulot sa paglabas ng mga taong hindi naman kayang kontrolin ng gobyerno.
Ang siste, wala namang sapat na kakayahan ang pamahalaan para sa malawakang COVID-19 testing. Pati healthcare workers hindi rin tinugunan sa panawagang bayaran ang mga benepisyong sa kanila ay sadya namang nakalaan.
Pati mga pribadong ospital, tuluyan na yatang tinalikdan. Ang pagkakautang ng PhilHealth sa kanila, hanggang ngayon ‘di pa rin binabayaran.
Sakaling sumipa muli ang hawaan, kaya pa ba ng mga pampublikong pagamutang lunasan ang mga tinamaan ng nakamamatay na karamdaman? Sapat ba ang healthcare workers na kakalinga matapos ang malawakang pagbibitiw sa matinding pagkadismaya sa pamahalaan?
Isa lang ang tiyak – hindi hamak na mas mahalaga ang kaligtasan ng mamamayan kumpara sa kitang inaasahan ng pamahalaan.
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
261
