LAGUNA HEALTH OFFICE CHIEF POSITIBO SA COVID-19

LAGUNA – Maging ang hepe ng Laguna Provincial Health Office (PHO) ay hindi nakaligtas sa pagkahawa sa COVID-19, ayon kay Department of Health Regional Director Dr. Eduardo Janairo kahapon.

Naka-quarantine na si Dr. Rene Bagamasbad, hepe ng Laguna PHO matapos makaramdam ng mga sintomas ng coronavirus tulad ng trangkaso.

Nagsagawa na rin ng contact tracing sa lahat ng  nakasalamuha ng nasabing doktor upang hindi na kumalat pa ang sakit.

Gayunman, lima sa kanyang staff ay nagnegatibo sa COVID matapos sumailalim sa swab test.

Ayon kay Dr. Janairo, maaaring nakuha ni Bagamasbad ang virus sa kanyang kapamilya dahil ang mga ito ay pawang mga doktor din.

Sa ngayon ay patuloy ang pagtaas ng bilang ng COVID cases sa lalawigan ng Laguna, kung saan ang lungsod ng San Pedro ang may pinakamataas na bilang na umabot na sa 400 kaso.

Laguna rin ang probinsyang nangunguna sa buong CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) na may pinakamaraming kaso ng COVID-19.

Base sa latest health update, sa Laguna ay may 1,774 COVID -19 cases, 566 ang nakarekober at 58 ang mga namatay.

Dagdag pa ni Janairo: “Ire-recommend ko lalo na ang mga pabrika sa Laguna na kung puwede stay- in na muna sa kanilang pinagtatrabahuhan upang hindi labas-masok para makaiwas mahawa sa COVID-19.”

Ngayong nakaaalarma na ang bilang ng mga nagkakasakit sa lalawigan, maraming residente ang nagtatanong kung ano na ang ginagawa ng mga lokal na opisyal para matigil o maawat ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19. (CYRILL QUILO)

403

Related posts

Leave a Comment