UPANG maiwasan ang malawakang pagbibitiw ng mga healthcare workers, marapat lamang na ibigay na ng pamahalaan hindi lamang ang special risk allowances (SRA) nila kundi ang lahat ng iba pang benepisyong sadya namang para sa kanila.
Sa isang pahayag, naging masidhi ang pakiusap ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bunsod na rin bantang mass resignation ng Alliance of Health Workers (AHW). Ani Marcos, Jr., higit na kailangan ngayong tugunan ng gobyerno ang mga isyung kinasasadlakan ng mga HCW.
Aniya, bagama’t ni-release na ng Department of Budget and Management (DBM) noong Hunyo ang tinatayang P331 milyong pondo para sa SRA ng HCWs, hindi naman aniya naging sapat ang nasabing halaga para tugunan ang iba pang nakabinbing benepisyo para sa mga taong direktang sumasagupa sa pandemya.
Sa isang panayam, partikular niyang tinukoy ang iba pang benepisyong dapat nang ibigay sa frontliners – ang SRA, Active Hazard Duty Pay (AHDP), at maging ang Meals, Accommodation and Transport (MAT) allowances na nahinto noong Disyembre ng nakaraang taon.
Hindi rin dapat maliitin ng Department of Health (DOH) ang isinagawang mass walkout ng mga HCW mula sa 10 healthcare facilities dahil lubha aniyang malaki ang ginagampanang papel ng mga ito sa laban kontra sa pandemya.
Kabilang sa mga lumahok sa panawagang mass walkout bilang protesta ay mga kawani ng Chinese General Hospital, Dr. Jose Fabella Memorial Hospital at maging ang mga kawani ng Research Institute for Tropical Medicine.
“Maliban sa SRA na itinadhana ng Bayanihan Act, dapat lamang na agarang mabayaran nang buo kabilang dito ang hazard pay at Meals, Accommodation and Transport (MAT) benefits ng ating mga healthcare workers,” sambit pa ng dating senador.
Hinimok din niya ang Kongresong paspasan ang pag-amyenda sa ilang probisyon sa ilalim ng Bayanihan Act kaugnay ng sapat na alokasyon para tugunan ang pondong gagamitin bilang SRAs, AHDP at MAT para sa mga HCW na siyang kumakalinga sa mga patuloy na dumaraming pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
“Doon naman sa SRA at AHDP ay SANA ALL! Kaya nananawagan tayo sa ating mga mambabatas na sana madaliin ang pag-amyenda sa probisyon ng batas na nagsasaad lamang ng exclusivity para sa healthcare workers na direktang nag-aasikaso sa COVID-19 patients,” dagdag pa ni Marcos.
Katwiran ng dating senador, pareho lamang naman aniya ang peligrong kinakaharap ng lahat ng mga HCW kaya naman dapat lang na lahatin na ang pagbibigay ng angkop na benepisyo sa kanila.
“Lahat ng taong kabilang sa healthcare workforce, mula doktor, nurse, hospital staff hanggang janitorial services at contact tracers ay pare-pareho ang peligrong kinakaharap na dulot ng COVID-19. Nararapat lang nating kalingain ang mga taong inaasahan nating kakalinga sa mga maysakit sa panahong tulad ngayon. At ang DoH ang dapat na nanguna sa pagtataguyod sa kapakanan ng healthcare workers,” sambit din ni Marcos.
Kailangan din aniyang tiyakin ng DOH na may sapat na HCWs para matugunan ang bawat pasyenteng tumungo sa mga pagamutan.
“Kailangan nating matiyak na sapat ang medical staff na mag-aalaga sa mga may sakit kaya’t hindi na sila dapat mabawasan pa dahil kung umabot sa sukdulan ang problemang idinaraing ng mga kawani sa mga ospital ay baka mag-collapse ang healthcare system sa ating bansa,” dugtong pa niya.
Dapat din aniyang handa ang nasabing kagawaran sa deployment ng mga karagdagang HCW sa mga lugar kung saan higit na kailangan ang dagdag pwersa sa hanay ng mga medical frontliners
kasabay ng panukalang pakikipag-ugnayan sa AFP Medical Corps at mga medical reservists bilang karelyebo ng pagod na HCWs.
Hiling din niya sa mga mambabatas ang agarang pagpasa ng Medical Reserve Corps Act na nakabinbin pa rin sa Senado.
204 