IPINAGPALIBAN ng Commission on Appointments (CA) ang dapat sana’y ikatlong estrella sa balikat ng bagong talagang Southern Luzon Command chief na si Major General Bartolome Bacarro makaraang maghain ng pagtutol ang kaanak ng isang kadete na pinaniniwalaang namatay sa hazing noong taong 2019.
Ayon kay Bacarro, nauunawaan niya ang dalamhati ng mga pamilya sa kabila pa ng bahid na dulot nito sa kanyang pagkatao. Aniya, naabswelto na siya sa anumang criminal liability mula sa mga naging imbestigasyon kaugnay ng insidenteng naganap noong panahong siya’y komandante pa lamang ng Philippine Military Academy (PMA)
“For the complaint against me for the violation of the anti-hazing law, anti-torture law and dereliction of duty have been dismissed by the Office of the City Prosecutor Baguio in a joint resolution dated November 5,” saad ng heneral.
Bagamat tinanggap ng mga mambabatas na bumubuo ng CA ang kanyang pahayag, minabuti ng congressional panel na ipagpaliban ang confirmation ni Bacarro sa Setyembre 15.
Si Bacarro ang itinalagang kapalit ng kontrobersyal ng nagretirong SolCom chief at dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Major General Antonio Parlade.
Sa 40 opisyal na naghain ng promotion para sa kani-kanilang ranggo sa serbisyo, tanging si Bacarro na lamang ang hindi pa sinasang-ayunan ng CA.
Taong 2019 nang bawian ng buhay ang noo’y PMA cadet na si Darwin Dormitorio. Ito din ang panahong so Bacarro ang gumaganap na komandante ng PMA kung saan hinuhubog at sinasanay ang mga kadete para sa iba’t ibang sangay ng tanggulang pambansa. (JESSE KABEL)
238
