LALAKI PATAY SA RIDER, 1 PA SUGATAN

CAVITE – Patay ang isang lalaki habang sugatan ang isa pa na tinamaan ng ligaw na bala, makaraang pagbabarilin ng isang motorcycle rider sa Dasmariñas City noong Martes ng umaga.

Isinugod sa Dasmariñas City Medical Center ang biktimang si alyas “Jervy” ng Tester Avenue, Brgy. Salawag, Dasmariñas City subalit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa katawan, habang sa De La Salle Medical Center dinala ang biktimang si alyas “Pepito”, 41, ng Brgy. Jose Abad Santos Ave., Salawag, Dasmariñas City, dahil sa tama ng ligaw na bala.

Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na inilarawang nakasuot ng itim na jacket, itim na pantalon, kulay silver na helmet at sakay ng isang itim na motorsiklong NMAX.

Ayon sa ulat, naglalakad ang biktimang si Jervy sa Jose Abad Santos Ave., Brgy. Salawag, Dasmariñas City upang bumili ng pagkain bandang alas-8:30 ng umaga, nang dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ito gamit ang ‘di nabatid na kalibre ng baril.

Naglalakad din sa naturang lugar si Pepito nang tamaan ng ligaw na bala sa binti.

Kapwa isinugod sa magkahiwalay na ospital ang dalawa subalit hindi umabot nang buhay si Jervy.

Tumakas naman ang suspek sakay ng motorsiklong NMAX sa direksyon ng Aguinaldo Highway.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng suspek sa pamamaril.

(SIGFRED ADSUARA)

40

Related posts

Leave a Comment