LAWRENCE LUBIANO NAGPAPALUSOT SA KAMARA

RAPIDO ni PATRICK TULFO

HINDI pa tapos ang mga problemang kinahaharap ni Sen. Francis “Chiz” Escudero dahil matapos na mapatalsik ito sa pwesto bilang Senate president ay nasasangkot naman ito sa isyu na may kinalaman sa isang contractor na iniimbestigahan na ngayon ng Kamara at Senado, sa posibleng pagkakasangkot sa anomalya sa flood control projects.

Ang Centerways Construction and Development Incorporated ay isa sa mga kumpanyang pinangalanan ni PBBM sa kanyang pinakahuling SONA, na nakakuha ng bilyong pisong halaga ng flood control projects.

Dati nang ikinakabit kay Sen. Escudero ang pangalan ng may-ari at presidente nitong si Lawrence Lubiano na tubong Sorsogon din.

Inamin ni Chiz na isa sa campaign donors niya si Lubiano noong 2022 elections at ito ay kanya namang idineklara sa kanyang Statement of Contribution and Expenses (SOCE) sa COMELEC.

Ngunit itinanggi nito na nakialam o may kinalaman siya sa mga proyekto ng Centerways Construction sa gobyerno.

Sa pinakahuling pagdinig ng Kamara, inamin ni Lubiano na matagal na siyang may mga kontrata sa gobyerno at nagbigay nga ito ng P30 milyon kay Escudero para sa kampanya.

Pero ito raw ay galing sa kanyang bulsa at hindi raw sa kanyang construction business, mukhang palusot lang ito ni Lubiano upang hindi makasuhan ng Comelec.

Ayon sa probisyon ng Commission on Elections (COMELEC) hinggil sa campaign contributions, bawal magbigay ng pera bilang suporta sa isang kandidato ang mga negosyante o negosyo na may kontrata sa gobyerno.

At dahil dito ay pinasasagot na ng COMELEC si Lubiano kasama na si Senator Escudero.

Nagpahayag naman ang dating Senate president ng kahandaan na sumunod sa proseso ng imbestigasyon upang malinis ang kanyang pangalan.

Sa isang artikulong inilabas sa isang malaking pahayagan, idinetalye rito ang koneksyon ng mga Lubiano at mga Escudero. Tumakbo pa ang ilang kamag-anak ni Lawrence sa ilalim ng partido ni Chiz na Nationalist People’s Coalition at nanalo.

54

Related posts

Leave a Comment