PATAY ang isang 34-anyos na kolektor ng lending company matapos pagbabarilin ng holdaper sa Midsayap, North Cotabato.
Sa lugar ng krimen binawian ng buhay ang biktima na si Romnick Raro, naninirahan sa Barangay Ines bunsod ng dalawang tama ng bala sa katawan.
Sa inisyal na report ng Midsayap Municipal Police Station, nangyari ang pamamaril sa bahagi ng national highway sakop ng Barangay Ines pasado alas-10 ng umaga ng Biyernes, August 20, 2021.
Patungo na umano ang biktima sa kanyang kumpanya sakay sa motorsiklo nang pahintuin siya ng riding in tandem at nagdeklara ng holdap.
Subalit pinaharurot ng biktima ang motorsiklo kaya siya pinaputukan ng salarin na angkas sa motorsiklo.
Tinangay ng mga salarin ang bag ng biktima na naglalaman ng malaking halaga ng cash na koleksyon ng kumpanya.
Inside job ang isa sa nakikitang anggulo ng pulisya habang patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso. (JG TUMBADO)
227 