LIVELIHOOD IPALIT SA 4Ps

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

HINDI limos ang dapat ibinibigay buwan-buwan sa mga miyembro ng pamilyang Pilipino na mahihirap kundi pangkabuhayan para maging sustainable ito.

Ang mga pamilyang Pilipino na mahihirap ay nakatatanggap ng tinatawag na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nagmumula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para tulong sa kalusugan, nutrisyon at pag-aaral ng mga bata na 0 hanggang 18-taong gulang.

Ang 4Ps ay inilunsad noong 2008 at napasailalim sa institusyon noong 2019 sa pamamagitan ng Republic Act No. 11310 o ang 4Ps Act, para makatulong at mabawasan ang kahirapan ng mga Pilipino.

Ang bawat benepisyaryo ng 4Ps ay nakatatanggap ng tulong pinansyal mula sa DSWD na P750 para sa kalusugan kada buwan sa bawat isang pamilya, P300 para sa edukasyon ng bawat bata sa elementarya, P500 bawat bata sa junior high school at P700 bawat bata sa senior high school na may maximum na tatlong bata sa bawat pamilya sa loob 10 buwan sa bawat school year. At rice subsidy na P600 kada buwan para sa aktibo at sumusunod na mga kabahayan.

Malaking tulong sana ang perang ito para sa mga Pilipino na pamilyang mahihirap kaya lang parang hindi yata tama na bibigyan lang sila na hindi sila magtatrabaho at hindi pangmatagalan ‘yan.

Bakit hindi na lang gawin ng gobyerno na puhunan ‘yang ibinibigay sa kanila na nagmumula sa DSWD? Hindi dapat natatapos sa pagbibigay lang ng puhunan, kailangang turuan din ang isa sa bawat pamilya na miyembro ng 4Ps, kung papaano palalaguin ang kanilang puhunan.

Kung halimbawa sa limang milyong pamilya na miyembro ng 4Ps ay umasenso sa kanilang negosyo, mababawasan na ngayon ang pasanin ng gobyerno, awtomatiko na silang aalisin sa listahan ng magiging benepisyaryo ng 4Ps.

Kadalasan pa ang Pilipino kapag hindi niya pinagpaguran ang pera ay madali niya itong ginagastos, dahil hindi niya naman ito pinaghirapang makuha at buwan-buwan siyang mayroong inaasahan kahit hindi siya magtrabaho.

May natatanggap tayong mga report na ilan sa mga miyembro ng pamilya na benepisyaryo ng 4Ps ay ginagamit sa bisyo ang kanilang natatanggap na tulong pinansyal mula sa DSWD.

Hindi isda ay ibigay natin sa kanila, kundi tulungan natin sila kung paano manghuli ng isda.

Sa ganang akin, ang pagbibigay ng 4Ps ay hindi epektibo para mabawasan ang kahirapan sa bansa, kundi bigyan natin ng puhunan at turuan sila kung paano palaguin ang kanilang negosyo.

Bukod sa puhunan para makapagsimula ng negosyo, kailangan alam nila kung paano magnegosyo at ang pangunahin ay dapat may disiplina ang hahawak ng negosyo.

Pabor tayo sa sinabi ni Senator Erwin Tulfo na pangkabuhayan ang dapat ibigay sa bawat pamilya na miyembro ng 4Ps.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

13

Related posts

Leave a Comment