LOCALIZED LOCKDOWN PAIIRALIN NG LGUs

INATASAN ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang lahat ng local government units (LGUs) na ang nasasakupan ay mayroong community transmission ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na magpatupad ng localized lockdowns.

Ang huling kautusan ng IATF-EID ay nakapaloob sa Resolution 135-A nito na inaprubahan, araw ng Huwebes subalit ipinalabas lamang ngayong araw ng Sabado.

Nakasaad sa resolusyon, kailangang magpatupad ang LGUs ng localized community quarantine at itaas ang availability ng quarantine facilities sa “priority” o “critical” areas na mayroong community transmission.

Nakasaad pa rin sa IATF-EID’s resolution na ang pribado at pampublikong establisimyento ay sakop ng kautusan, “subject to the concurrent of the regional task force.”

Ipinag-utos din nito sa LGUs na tiyakin ang agarang facility-based isolation ng lahat ng returning citizens at indibidwal na may “suspect at probable COVID-19 cases.”

Ipinatitiyak din sa LGUs na ang taong may sintomas ng coronavirus disease, at iyong naghihintay ng resulta ng COVID-19 tests ay isailalim sa isolation.

“All areas shall continue to implement the… scaling up of local health systems capacity, especially for community isolation and critical care, including dedicated mechanical ventilators, and Intensive Care Units, isolation, and ward beds for Covid-19 cases,” ang nakasaad sa IATF-EID Resolution 135-A.

Required naman ang LGUs na magsumite ng “complete and accurate” coronavirus-related data sa pamamagitan ng Covid-Kaya at DataCollect ng Department of Health.

Binigyan din ng mandato ng IATF-EID ang LGUs na pagbutihan ang kanilang vaccination efforts sa hanay ng A2 at A3 priority groups para maiwasan na magkaroon ng matinding sakit at may mamatay.

“LGUs should also make parallel efforts to vaccinate A4 and A5 population, if resources are adequate,” ayon sa resolusyon.

Kailangan na tiyakin ng LGUs na mahigpit na susundin ang minimum public health standards at paghusayin ang implementasyon ng engineering at administrative controls, lalo na ang ventilation standards at hakbang laban sa pagdagsa ng tao, pagsisiksikan at pagtitipon-tipon.

Dapat din na mayroong “uniform” health protocols sa high-risk areas gaya ng wet markets, supermarkets, government offices, at workplaces.

Samantala, pinaalalahanan ng IATF-EID ang LGUs na pagbutihin ang distribusyon ng personal protective equipment (PPE), tiyakin na nasa ayos ang pamamahala sa basura at ituloy ang health education ukol sa COVID-19 transmissions. (CHRISTIAN DALE)

152

Related posts

Leave a Comment