LOKAL NA TRANSMISYON NG DELTA VARIANT, NAGSIMULA NA

KASUNOD ng balita ukol sa pagkakaroon ng lokal na kaso ng Delta Variant ng COVID -19 sa bansa noong nakaraang linggo, kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang lokal na transmisyon nito noong ika-22 ng Hulyo.

Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang briefing na hindi raw mapipigilan ang pagpasok ng Delta Variant sa bansa.

Ang ipinatupad na travel ban ng Pilipinas sa mga bansang may naitalang mataas na kaso ng Delta Variant ay hakbang lamang upang mabigyan ng karagdagang panahon ang pamahalaan upang mapaghandaan ang napipintong pagpasok nito.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 47 ang bilang ng kaso ng Delta Variant na naitala ng ahensya.

Sa kabuuang bilang na ito, walo ang nananatiling aktibo kung saan ang mga ­pasyente ay kapwa mga wala pang ­bakuna kontra COVID – 19.

Ayon sa Centers for ­Disease Control and Prevention (CDC), ang Delta Variant ay maituturing na isa sa mga pinakanakakahawang respiratory disease na nakita ng mga siyentipiko.

Ito ay mabilis makahawa dahil ang isang indibidwal na may mayroong Delta Variant ng COVID-19 ay tinatayang mayroong 1,000 beses na higit na mas mataas na viral load kung ikukumpara sa orihinal na uri nito.

Ang magandang balita ay epektibong pangontra sa Delta Variant ng COVID-19 ang bakuna.

Ngayong kumpirmado na ang pagkakaroon ng lokal na transmisyon nito sa ating bansa, dapat ay mas maging agresibo ang ating programang pagpapabakuna.

Ito lamang ang tanging epektibong paraan upang makontrol at malabanan ang mas mapangahas na Delta Variant.

Ayon sa datos ng DOH, noong ika-18 ng Hulyo, mayroong 15,096,261 dosis ng bakuna ang naipamahagi na.

Sa kabuuang bilang na ito, 10,388,188 ang naibahagi bilang unang dosis, habang 4,708,073 naman ang naipamahagi bilang ikalawang dosis.

Tinatayang nasa 9.43% ng populasyon ang nakakuha na ng unang dosis ng bakuna, habang nasa 4.27% pa lamang ang nakakumpleto nito.

Kailangang paigtingin ang programang pagpapabakuna ng bansa kaugnay ng nagbabadyang pagkalat ng Delta Variant.

Makiisa tayo sa pamahalaan at magpabakuna sa lalong madaling panahon para sa karagdagang proteksyon.

Huwag nang matakot at lalong huwag nang maging mapili sa tatak ng bakuna.

Kailangan ng pamahalaan ang ating suporta.

Hindi biro ang kasalukuyang sitwasyon ng Indonesia, India, at iba pang bansang nauna nang naapektuhan ng Delta Variant.

Huwag nating hayaang mangyari ito sa Pilipinas.

May panahon pa.

Ako ay naniniwalang may magagawa pa tayo upang ­paghandaan ang Delta Variant na ito.

139

Related posts

Leave a Comment