LOLA NABUNDOL NG MOTOR, PATAY.

PATAY ang isang hindi kilalang matandang babae matapos mabundol ng motorsiklo habang tumatawid sa Caloocan City nitong Miyerkoles ng umaga.

Hindi umabot nang buhay sa Caloocan City Medical Center sanhi ng pinsala sa ulo at katawan ang biktimang tinatayang nasa 60-70 ang edad at 5’4 ang taas.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang driver ng motorsiklo na si Neil Patrick Marquez, 32, estudyante, at residente ng Phase 3C, Block 14H, Brgy. 16.
Sa nakarating na report kay Caloocan Police chief, Col. Samuel Mina Jr., dakong alas-7:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa C3 Road at C. Cordero St. ng lungsod.

Ayon sa ulat, tinatahak ng motorsiklo na minamaneho ni Marquez ang kahabaan ng C3 Road patungong Rizal Avenue Extension ngunit pagsapit sa naturang lugar ay nasalpok nito ang tumatawid na biktima.

Sa lakas ng impact, tumilapon ng ilang metro ang biktima na mabilis na isinugod ng rescue ambulance sa nasabing pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival. (FRANCIS SORIANO)

247

Related posts

Leave a Comment