CAVITE – Nalagutan ng hininga ang isang senior citizen makalipas ang isang linggo matapos na pagtulungang bugbugin ng magkapatid at isa pang lalaki makaraan ang mainitang pagtatalo sa
Dasmariñ0as City sa lalawigang ito.
Idineklarang patay na ng mga doktor sa Pagamutan ng Dasmariñas City ang biktimang si Edwin Magno habang kinilala naman ang mga suspek na ang magkapatid na sina Benjoie at Richard Rio at Cedric Magbanua, pawang mga residente sa nasabing lugar.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Richard Domingo ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-9:30 ng gabi noong Setyembre 5 nang mangyari ang insidente sa Brgy. Sta. Fe ng naturang lungsod nang
magkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at mga suspek na humantong sa pagbugbog sa senior citizen.
Makaraan ang insidente, isinugod ang biktima sa De La Salle University Medical Center ngunit inilipat kinabukasan sa Pagamutan ng Dasmariñas City.
Nagkasundo umano ang asawa ng biktima na si Evilyn Magno at ang mga suspek na pansamantalang hindi magsasampa ng reklamo kapalit ng pagsagot sa gastusin sa ospital ngunit noong Linggo ay pumanaw ang senior citizen. (SIGFRED ADSUARA)
193 