NAITALA ng Navotas City ang pinakamalaking kabawasan sa porsyento ng mga bagong kaso ng COVID-19 kada araw sa lahat ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Nagrehistro ang lungsod ng -76% na pagbaba ng average daily attack rate (ADAR), ayon sa OCTA Research Group. Mula sa pinakamataas na 137, ang kada araw na mga kaso sa lungsod ay sumadsad sa 33.
Ang estadistikang inilabas ng OCTA ay batay sa seven-day average mula Abril 25 hanggang Mayo1 kumpara sa peak seven-day average ng mga lokal na pamahalaan.
“We attribute this milestone to the hard work of all our frontliners as well as the aggressive contact tracing, testing, isolation, treatment and monitoring of our patients–from the time they become close contacts to the time we receive their test results or they complete their isolation period,” ani Mayor Toby Tiangco.
Ayon sa OCTA, ang ADAR na higit sa 10 percent ay itinutuing pa ring mataas at dapat na maibaba ito ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila sa mas mababa sa 10 percent sa loob ng dalawang linggo para umusad sa moderate risk classification.
Nagtala ang Navotas ng 1,456 active cases noong Abril 5, ang pinakamataas sa buong taon. Hanggang Mayo 3, nakapagtala ang lungsod ng 413 active cases at 9,783 recoveries
Samantala, naitala ng Department of Health Region 4 (DOH 4A) ang pinakamababang bilang na 814 noong Mayo 3, 2021 ng mga nagkakasakit ng COVID-19 sa buong rehiyon ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Sa huling datos na inilabas ng ahensya, mayroong kabuuang bilang na 23,845 aktibong kaso na lamang sa buong rehiyon at 3,704 ang mga namatay sa nasabing sakit.
Ang lalawigan pa rin ng Cavite ang may pinakamaraming aktibong kaso na umabot sa 7,884, sunod ang Laguna, 6,423; Batangas, 4,390; Rizal, 4,071; Quezon, 961, at Lucena City, 116 active cases. (ALAIN AJERO/CYRILL QUILO)
141
