(NI ABBY MENDOZA)
PINAMAMADALI ni House Committee on Metro Manila Development Chair Winston Castelo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board(LTFRB) ang pagpoproseso ng aplikasyon para sa lisensya ng mga Grab drivers.
Ayon kay Castelo, ang mabagal at kumplikadong proseso ng LTFRB sa paglilisensya at registration ng operasyon ng mga Grab applicants ang dahilan kung kaya’t marami ang mga colorum.
Giit ni Castelo na kung mapapabilis ang pag-apruba sa aplikasyon at gagawing simple ang proseso ng lisensya ng mga Grab drivers ay hindi maglilipana ang mga colorum na Grab.
Matatandaan na una nang sinabi ng LTFRB na may 8,000 colorum na grab units ang kanilang ide-deactivate susunod na Linggo.
Samantala, wala namang magawa ang Grab kundi ang sumunod sa kautusan ng LTFRB kahit pa nakapag-comply naman umano sila sa mga requirements na itinatakda ng ahensya.
“Ang problema at solusyon sa mga colorum na Grab ay nasa kamay na ng LTFRB kaya umaasa tayo na madaliin na ang pag-apruba sa lisensya ng mga ito,”pahayag ni Castelo.
Pinatitiyak din ni Castelo na hindi maapektuhan ang operasyon ng Grab sa kabuuan sa pag-deactivate ng LTFRB sa ilang mga miyembro nito.
