UPANG matiyak ang kaligtasan ng mga motorista, nagtalaga ang Land Transportation Office (LTO) ng sapat na bilang ng mga tauhan upang tumulong sa gitna ng malawakang pagbaha at iba pang isyu sa kaligtasan sa kalsada sa mga lugar na binaha at apektado ng kalamidad.
Ang kautusan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang presensya ng pambansang pamahalaan para sa maximum na tulong sa lahat ng mamamayang apektado ng masamang epekto ng malakas na pag-ulan sa nakaraang mga araw.
Sinabi ni Acting Assistant Secretary at LTO chief, Atty. Greg G. Pua, Jr., kabilang sa mga lugar kung saan naka-deploy ang mga tauhan ng LTO, ay ang mga pangunahing daanan sa Metro Manila, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at Central Luzon.
Kaugnay nito, sinabi ni Pua na ang lahat ng mga regional director ay inatasan na tiyakin ang LTO visibility para sa tulong sa kalsada lalo na sa mga lugar na apektado ng tropical storm “Crising” at iba pang sama ng panahon mula noong nakaraang linggo.
Samantala, ipinag-utos ni Pua sa lahat ng regional director na agad magsagawa ng assessment sa bilang ng mga tauhan ng ahensya na apektado ng sama ng panahon.
Kasabay nito, inatasan din niya ang mga regional director na magsumite ng mga ulat ng mga opisina at kagamitan ng LTO na nasira ng pagbaha at iba pang masamang epekto ng malakas na pag-ulan na patuloy na tumatama sa maraming bahagi ng bansa. (PAOLO SANTOS)
