NAKATAKDANG magpalabas ng listahan ang mga alkalde ng Kalakhang Maynila ng mga lugar na maaaring puntahan ng mga batang may edad limang taon pataas.
Ito’y matapos payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na makalabas ang mga bata sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chair Benhur Abalos na kamakalawa ng gabi ay pumirma ang halos lahat ng alkalde ng Kalakhang Maynila sa MMC resolution para sa talaan ng ‘open areas’ na maaaring magtungo ang mga bata.
Una nang binanggit ng IATF na kabilang dito ang mga parke, beach, playgrounds, outdoor tourism areas, biking at hiking trails at iba pang pasyalan na bukas ngunit ipinagbabawal pa rin ang pagpasok nila sa shopping malls.
Sinabi rin ni Abalos na nakasaad sa resolusyon kung paano nila idine-define ang ibig sabihin ng “park”.
Ang paliwanag ni Abalos, base sa IATF, ang “park” ay walang walls, walang bubong na parang Luneta.
Napag-usapan din aniya na dahil hindi ganoon karami ang parke sa Kalakhang Maynila gaya ng Luneta at Intramuros ay mas mabuting i define na ang parke o anomang walang bubong, al fresco o tuloy-tuloy ang hangin at kahit aniya may walls o nasa labas ng malls gaya ng nakikita sa Trinoma, sa BGC ay pinapayagan sa ilalim ng Metro Manila Council. (CHRISTIAN DALE)
