MALAKI ang nabawas sa income ng mga Filipino mula nang magkaroon ng pandemya sa COVID-19 sa bansa noong nakaraang taon pero ang karamihan ay talagang walang kita at baon na baon na sila sa utang.
Pero limitado ang kanilang income, parami nang parami ang kanilang gastos araw-araw dahil sa pagtaas ng presyo ng serbisyo publiko, bilihin at idagdag mo pa dyan ang face shield at face mask.
Oo nga pala, bakit wala pang inilalabas na polisiya sa pagsusuot ng face shield eh inutos na ng Pangulo na hindi na oobligahin ang mga tao na magsuot nito sa mga open space?
Hindi biro ang gastos ng mga tao sa face shield at face mask araw-araw. Sa ayaw at sa gusto nila ay kailangang nilang proteksyunan ang sarili sa COVID-19 na patuloy pa ring kumakalat.
Wala sa budget ng mga tao ang mga ito bago ang pandemya pero dahil sa COVID-19 kailangan nilang gastusan ito kasama na ang alcohol na panghugas ng kamay sa tuwi-tuwina.
Pero ang napakalaking gastos sa pandemyang ito ng mga tao na hindi napapansin ng mga kinauukulan, ay ang RT-PCR test, antigen test at kung ano-ano pang test dahil hindi naman ito nilibre ng gobyerno.
Karamihan sa mga nagpapa-swab test, mula sa sariling bulsa ng mga tao at nagkakahalaga ng P960 ang swab antigen test at naglalaro naman sa P3,000 hanggang P4,000 ang RT-PCR test depende kung gaano kabilis gusto mong ilabas ng laboratoryo ang resulta.
Aminin na natin, napapraning ang lahat kaya kapag may naramdamang konting karamdaman tulad ng sipon ay agad na nagpapa-swab test ang mga tao para makasiguro.
Kapag may na-COVID na miyembro ng pamilya, otomatikong nagpapa-swab test ang buong miyembro ng pamilya. Utos ‘yan ng doctor lalo na’t na-expose sila sa kapamilya na nagpositibo sa COVID-19.
Malaking gastos at malaking kabawasan sa budget ng pamilya ang swab test pero anong magagawa nila? Kailangan nilang sumailalim sa mga ganitong uri ng test para mawala ang kaba.
Ang malupit pa na hindi nakikita ng gobyerno ay ang pag-oobliga ng Local Government Units (LGUs) sa mga mula sa Manila na magpa-swab test, RT-PCR ha, kapag bumalik sila sa probinsya.
‘Yung mga taga probinsya na pupunta ng Manila, hindi inoobliga na magpakita ng resulta ng swab test sa nakaraang 48 oras pero kapag bumalik ka sa probinsya, kailangan ang patunay na wala kang inuwing virus.
Bihira ang LGUs ang tumatanggap ng antigen test lamang at kung ‘yan lang ang dala mong dokumento, Isasailalim ka sa 14 days quarantine pero kapag RT-PCR, wala nang quarantine.
Hindi mo naman masisisi ang mga LGUs lalo na’t kalat na rin sa mga probinsya ang COVID-19 pero dagdag na gastos ito sa mga biyahero lalo na ‘yung kailangang umuwi ng probinsya dahil may aasikasuhin.
Walang public transport ngayon kaya kailangan mo magdala ng sasakyan at natural na dapat may karelyebo ka sa manibela lalo na kung ang haba ng oras ng biyahe pauwi ng probinsya n’yo.
Hindi ka pa nakakaalis ng Manila ay gagastos ka ng P8,000 kapag dalawa kayong uuwi dahil sa RT-PCR test. Paano kung madalas ang uwi mo dahil kailangan ‘yun sa iyong trabaho at negosyo?
‘Yan ang isa mga pinagkakagastusan ng mga tao na hindi tinalakay at walang solusyon ang gobyerno para matulungan man lang sana ang mga tao na mabawasan ang kanilang gastusin lalo na’t nilugmok sila ng pandemya na minaliit noong una ng mga lider natin at hanggang ngayon ay nananalasa pa dahil palpak ang pagtugon nila sa problema.
