LUMIKAS SA ALBURUTO NG TAAL, LIBO NA

MAKARAAN ang babala ng Phivolcs na posibleng sumabog ang Bulkang Taal, dumami pa ang mga lumikas mula sa mga bayan at barangay na malapit sa Taal Lake.

Batay sa huling tala ng Batangas PNP dakong alas-12:00 ng tanghali nitong Lunes, nasa 1,009 pamilya na ang umalis sa kani-kanilang bahay at nasa iba’t ibang evacuation centers na sa mga bayan ng Laurel, Nasugbu, Balete, Agoncillo, at Balayan.

Pinakamarami ang nagsilikas mula sa ilang barangay ng Laurel na umaabot sa 595 pamilya at ngayon ay nasa walong eskwelahan na ginawang pansamantalang evacuation center.

Habang 298 pamilya naman ang lumikas mula sa mga barangay ng Agoncillo.

Ang mga barangay na ito ay ang Banyaga at Bilibinwang sa Agoncillo; Buso-Buso at Bugaan East sa Laurel, na ay sakop ng 7-kilometer permanent danger zone ng Taal Volcano.

Ayon sa Phivolcs nitong Lunes, nakapagtala ang Taal Volcano ng mataas na sulfur dioxide emission na umaabot sa 22,628 tons na pinakamataas sa lahat ng record ng bulkan.

Ang pagbuga ng usok ng bulkan ay dahil sa patuloy na pagtaas ng volcanic gas sa main crater nito, ayon kay Phivolcs Officer-In-Charge Dr. Renato Solidum.

Ito aniya ay maaaring mauwi sa phreatomagmatic eruption na katulad ng nangyari noong Huwebes. (NILOU DEL CARMEN)

238

Related posts

Leave a Comment