KINUMPIRMA ni Presidential spokesperson Harry Roque na mayroong quick substitution list na umiiral sa Local Government Units (LGUs).
Ang quick substitution list aniya ay listahan ng mga tao na pupuwedeng mabigyan ng bakuna kapag ang health worker ay hindi dumating o talagang ayaw tumanggap ng bakuna.
“Kasi hindi naman pupuwedeng masayang iyong mga vials na nabuksan na noh? at kinakailangan na magamit kaagad iyon,” ayon kay Sec. Roque.
Kinumpirma rin aniya ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na mayroong quick substitution list ang lungsod.
Nauna rito, sa naging paliwanag ng City Health Officer ng lungsod, kasama sa quick substitution list ang aktor na si Mark Anthony Fernandez kaya naturukan siya ng COVID-19 vaccine.
Iniutos na ni Pangulong Duterte na imbestigahan ang insidente.
Sinabi ni Dra. Olga Virtusio, ng Parañaque City Health Office, na nasa quick substitution list si Fernandez.
Sa kasalukuyan, ang mga medical health worker ang prayoridad sa pagbabakuna dahil limitado pa ang suplay ng gamot. (CHRISTIAN DALE)
