MAAYOS, LIGTAS NA DYIP PINABABALIK SA LANSANGAN

JEEPNEY

INIHAYAG ni Senador Grace Poe na kapag nakapasa sa roadworthy test ang alinmang tradisyunal na pampasaherong dyip, dapat na itong payagang pumasada sa kanilang ruta upang punan ang pangangailangan sa transportasyon ng commuters sa Metro Manila habang patungo sa pinaluwag na quarantine.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na dapat tumutupad ang alinmang dyip na ibabalik sa lansangan sa mga usaping pangkaligtasan at health protocols upang malimitahan ang banta ng pagkahawa sa corona virus 2019 (COVID-19).

Ayon sa chairperson ng Senate committee on public services na lubhang nakararanas ng paghihirap ang mga commuter patungo sa kanilang destinasyon dahil sa kawalan ng public utility vehicle sa lansangan at kakaunti ang kapasidad na maaaring isakay na bahagi ng social distancing.

“Sinasabi nila (LTFRB) na maglalabas sila ng 1,500 modern jeepney next week. Ang talagang kabuuang numero ng mga jeep sa Metro Manila lamang ay 60,000. Papaano nila masasabi na ‘pag-aaralan natin kung ano ang kulang, talagang kulang pa rin kung magkakaroon tayo ng moderate GCQ. Kung dati kulang na, kung babawasan pa, mas lalong magkukulang,” ayon kay Poe sa interview.

“Noon ko pa sinasabi na hangga’t roadworthy dapat payagan ang pamamasada na ‘yan. Kung kakarag-karag na, smoke belcher, hindi na ligtas ay huwag talaga payagan ‘yan,” dagdag niya.

Sinabi ni Poe na dapat magsagawa ang Land Transportation Office (LTO) ng kumpleto at makatotohanang pagsusuri sa mga dyip upang matukoy kung sumusunod o tumutupad sa safety standards o pamantayang pangkaligtasan.

Nilinaw din ni Poe na hindi siya kontra sa jeepney modernization program pero hindi dapat ipagkibit-balikat o isantabi ang lehitimong karaingan ng mga drayber na walang kinikita sa loob ng mahigit tatlong buwan sanhi ng quarantine.

“Hindi makataong ipilit ang modernisasyon lalo na kung marami sa ating mga jeepney driver ang kumakalam ang sikmura dahil hindi nakakapasada,” ayon kay Poe..

Magbibigay ang panukala ng loan subsidy sa mga drayber ng dyip, na hindi lalampas sa apat na porsiyento ang interest rate sa pautang na babayaran sa loob ng 15 taon.

Inaatasan din ng panukala na dapat bigyan ng kaukulang tulong pinansiyal ang sinumang drayber na hindi makakasama sa programa upang makahanap sila ng ibang pagkakakitaan. (ESTONG REYES)

139

Related posts

Leave a Comment