Maayos, matinong gobyerno ng Maynila, ipinangako ni Yorme Isko

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SO very grateful — una sa Diyos, sabi ni Manila Mayor-elect Isko Moreno at sa mamamayan ng Maynila na muling nagtiwala sa napakalaking boto — sa mahigit na 340,000 na lamang — sa kanyang pinakamalapit na kalaban sa politika, ang kanyang ate, incumbent Mayora Honey Lacuna.

Sa kabi-kabilang interbyu, nilinaw ni Yorme Isko, ang maraming naiwang tanong sa kampanya, ano ang mga reporma, mga serbisyo sa mamamayan, at pagbabalik ng dignidad ng Batang Maynila, at makapagbigay ng trabaho, kapanatagan sa mamamayan.

Sa interbyu ni Karen Davila sa ANC HeadStart, nilinaw niya na totoo, may bilyong utang ang gobyerno noong siya ang alkalde, pero kailangan gawin iyon.

Sa katindi ng COVID-19 pandemic, ‘yung bilyon-bilyong pisong inutang ay napunta, “sa kapakinabangan ng Manilenyo,” kasi, nai-deliver niya nang matagumpay ang high-impact legacy infrastructure projects sa pabahay, edukasyon, healthcare, jobs at tuparin, ang kanyang sigaw: To “make Manila great again.”

Kung nagawa niya noon, ngayon sa ikalawang termino niya sa city hall, sabi ni Yorme, “We’ve done it before, and we can do it again.”

‘Yung mga kriminal, mga tolongges, paano iyon gagawin ni Yorme: Kailangan, sabi niya na magkaroon ng dibdib ang liderato.

Kinalawit niya, kinasuhan niya ang mga kriminal sa kalye, sa tulong ng matitinong pulis at nagbigay ng warning na magpakatino na, kundi, sila na mga siga-siga, ay may paglalagyan — sa kamay ng batas.

Unang gagawin ng bagong administrasyong Yorme-Chi-Chi Atienza, linisin ang kadugyutan at ayusin ang pinansiya ng siyudad, at bayaran ang mga obligasyon na, ayon kay Yorme Isko, tulad ng milyon-milyong utang sa mga kontraktor, sa kolektor ng basura, pagbili ng mga kulang na suplay ng gamot, pag-aayos ng mga pasilidad ng ospital, health center, at patuloy na serbisyo sa mga lolo, lola at mamamayan ng siyudad.

Kailangang ituloy ang pagbabalik ng dignidad ng taong Maynila, tulad ng kayang bayaran na disenteng pabahay tulad ng naitayo noon na Tondominium 1, Tondominium 2, Binondominium 1, San Lazaro Residence, San Sebastian Residence, and Pedro Gil Residence, etc.

Kung may sariling bahay ang isang ama, ina at may disenteng trabaho, at iyon ang gagawin niya, sabi ni Isko, naibabalik ang dignidad ng isang pamilya.

Noong kampanya, iyon ang hiling kay Yorme, ibalik ang pagtatayo ng pabahay, at maibalik ang tiwala ng mga negosyante at nang muling sumigla ang negosyo.

Sabi niya kay Karen, totoo na gagawin niya ang naipangako sa mga Batang Maynila: Hindi niya iiwan ang siyudad.

“I am committing the next ten years to serving Manileños and fixing the city,” sabi niya kay Karen.

Itinanong daw kasi iyon ng mga taga-Tondo na baka kung manalo siya, tatakbo uli siyang presidente, at nag-iwan siya ng pangako: Wala siyang balak na iwan ang Maynila, at wala siyang balak na tumakbong muling presidente.

Sa tanong kung handa ba siya na makipagkasundo uli sa kanyang Ate Honey, sinabi ni Yorme na laging bukas sa puso niya na magkaayos sila, “kasi, pareho kaming Batang Maynila, at tapos na ang halalan.”

Kung maaari, sana, magkabati-bati na sana sila.

Kung may sama siya ng loob, sabi niya kay Davila, totoo na nagkasakitan noong kampanyahan, pero ang mga sinabi niya — kung nakasakit ay sinagot lamang niya ang mga ipinaparatang sa kanya, sabi ni Yorme.

Ikinatutuwa niya ang todong suporta ng kanyang maganda, matalino at mabait na bise-alkalde, si Chi Atienza, at sa mga taong gobyerno na gagawa ng tiwali, ang pangako ni Yorme Isko, ‘wag silang gumawa ng mali, ng kasamaan.

Matigas ang babala niya, kahit sino pa, ipatutupad niya ang batas, at kung kailangan, ipaaaresto niya, kakasuhan, ipakukulong, sabi ni Yorme sa interbyu sa kanya ni Pinky Webb.

Gagawin niya, pangako ni Yorme, na maibigay sa Manilenyo ang totoong serbisyo, at ang kapanatagan, sa isip sa buong araw at magdamag, at kasiguruhan, kung may mangyaring krimen, aaksiyon agad, dahil sa kanyang panunungkulan, “ipadadama natin ang matino, maayos na gobyerno ng Maynila.”

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com

74

Related posts

Leave a Comment