NAIS lamang makatiyak ng taumbayan na nasa maayos na kondisyon ang kanilang lider.
Ito ang reaksyon ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III kasunod ng resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na nagsasaad na 65 percent ang naniniwala na public matter ang kalusugan ng Pangulo at dapat itong ipaalam sa lahat.
“Its obvious. People always want to be sure that their leader is safe and healthy,” saad ni Sotto.
Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros na bukod sa proof of life, nais makita ng taumbayan ang mga epektibong programa ng gobyerno upang tugunan ang krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
“Hindi naman proof of life ang hinihingi ng tao, kundi proof of good and authentic leadership, especially in this pandemic. Filipinos want to feel we are cared for by this government and, unfortunately for the president, his presence and availability for photo ops can never substitute for clear, coherent, empathetic and compassionate leadership,” diin ni Hontiveros.
Muli namang binatikos ni Senador Imee Marcos ang nagiging aksyon ng Department of Health sa problema sa bansa.
“Nasasaktan na ang mga tao. Kilala ko po si Presidente Duterte. Kapag masakit na sa tao, eh talagang aalma na siya. So, ang tunay na kaibigan, dahil tinuturing ko ang sarili ko na tunay na kaibigan na nagmamahal at tapat kay Presidente Duterte, ang tunay na kaibigan nagsasabi ng totoo. Hindi tayo magbobolahan. Kung hindi na maganda ang nangyayari, kailangan isumbong mo. Sabihin niyo nang ako ay sumbungera, pero kailangan talaga magbago ang ating response,” diin ni Marcos. (DANG SAMSON-GARCIA)
