HINDI umano dapat ituring bilang isang simpleng pamemeke ng public document o health record ang pandaraya sa COVID-19 test results dahil nailalagay nito sa peligro ang kaligtasan at kalusugan ng marami kung kaya marapat lamang na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga gumagawa nito.
Ito ang binigyan-diin ni Deputy Speaker at Valenzuela City Rep. Wes Gatchalian sa inihain niyang House Bill (HB) No. 8643. Kasabay nito, nagpahayag ng kalungkutan ang mambabatas dahil posibleng sa mahal ng COVID-19 testing, may iba na mas piniling magpagawa na lamang ng pekeng test result subalit hindi rin naman ito tama at malinaw na labag sa batas.
“Falsification per se is not the issue here, but the corresponding risks it poses for public safety,” giit ng kongresista.
“Though falsification of COVID-19 test results may seem like a trivial procedural matter to some it may actually and recklessly endanger the lives of the people these offenders may interact or come into contact with,” dagdag niya.
Ibinigay na halimbawa ni Gatchalian ang kaso ng tatlong babae sa Caloocan City na nahuling nagbebenta ng COVID-19 test results gayundin ang anim na turista sa Boracay Island na nagsumite ng pekeng test results para lamang makapasok sa sikat na tourist destination kung saan nang muli silang isalang sa testing ay tatlo sa kanila ang lumabas na positibo sa nakamamatay na virus.
“The desire of individuals to proceed with their lives in the new normal should not be at the expense of other people,” mariing sabi ng Valenzuela City solon.
Sa inakda niyang HB 8643, isinusulong nito ang pag-amyenda sa Republic Act No. 11332, o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, partikular para maisama ang falsification of COVID-19 test results bilang isang mabigat na krimen.
Nais ni Gatchalian na ang mapatutunayang nameke ng covid test results, maging ito man ay reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) swab, rapid antigen, o saliva test results, ay mapatawan ng anim hanggang 12 taong kulong at multa na P1,000,000.
Sa kasalukyan, ang mahuhuling nagmanipula ng health records ay mayroong kaparusahang multa na P20,000 hanggang P50,000 o kaya’y kulong na isa hanggang anim na buwan o pareho base sa kautusan ng korte. (CESAR BARQUILLA)
