PUMABOR si Senate Minority Leader Franklin Drilon sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibenta ang ilang government assets para magamit na pondo sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Gayunman, sinabi ni Drilon na kailangang pag-aralan ng economic managers ang mga state asset na dapat nang ibenta upang mas mapakinabangan ng taumbayan.
“Let us turn this COVID-19 crisis into an opportunity to better utilize government assets. Better utilization of these state assets is long overdue as a national policy,” saad ni Drilon.
Isa sa inihalimbawa ni Drilon ang posibilidad ng pagsasapribado ng gaming industry upang makalikom ng dagdag na pondo para sa relief operations at mabawasan ang budget deficit ng bansa.
Ipinaalala ni Drilon na sa kanilang budget hearing noong isang taon, inamin ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na kikita ang gobyerno ng dagdag na P300 bilyon kada taon kung ipa-privatize ang gaming industry.
Nagbabala si Drilon na kung hindi agad mareresolba ang budget deficit, mas magiging malaki ang problema ng gobyerno sa mga susunod na panahon.
“If the government really wants to generate more funds to help the COVID-19 affected families, let’s privatize PAGCOR and PCSO,” diin ni Drilon. Isa pa anya sa maaaring pagkunan ng pondo ng gobyerno ang pagdi-dispose o pagbebenta ng Camp Aguinaldo at Camp Crame. DANG SAMSON-GARCIA
