MAG-IINA HINOSTAGE NG ADIK

CAVITE – Bunsod nang pagkaburyong sa ilegal na droga, ini-hostage ng isang hinihinalang adik ang kanyang misis at kanilang dalawang anak sa bayan ng Mendez sa lalawigang ito.

Hawak na ng pulisya ang suspek na si Marvin Salgado, 36, construction worker, matapos i-hostage ang asawa nitong si Ellen Salgado, at mga anak nilang sina Angel at Kristoff, pawang residente ng General Trias St., Poblacion 6, Mendez, Cavite.

Ayon sa ulat ni Corporal Christian Espiritu ng Mendez Municipal Police Station, bunsod ng sobrang depresyon sa dinaranas na kahirapan at matinding epekto ng ilegal na droga, ini-hostage ng suspek ang kanyang mag-iina habang armado ng kutsilyo.

Nagbanta umano ang suspek na papatayin ang mga ito dakong 1:30 ng hapon noong Biyernes.

“Noon daw Sabado ay gumamit siya ng droga, at simula noon ay hindi na ito nakakatulog kaya tuluyan na siyang naburyong,” ayon kay Corporal Espiritu.

Unang hiniling ng suspek na bigyan siya ng baril at mga bala ngunit hindi pinagbigyan ng mga negosyador.

At habang kinakausap ang suspek nina Cavite Provincial Director, P/Coronel Marlon Santos, P/Lt. Col. Egbert Tibayan, P/Major Jonatahn Asnan, POMU chief, at mga elemento ng SWAT, ay puwersahang pumasok sa bahay ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto kay Salgado at nasagip ang mag-iina dakong alas-4:46 noong Biyernes ng gabi. (SIGFRED ADSUARA)

139

Related posts

Leave a Comment