MAGANDANG BALITA PARA SA MGA KONSYUMER

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

KAPAG ganitong panahon ng tag-init, tipikal na sumisipa talaga ang konsumo natin sa kuryente kaya kung limitado lang ang budget para sa bill, talaga namang kailangang maging madiskarte sa pagtitipid.

Kaya magandang balita itong inanunsyo ng Meralco nito lang nakaraang linggo na mayroong malaking bawas-singil sa kuryente.

Ayon sa distribyutor ng kuryente sa Metro Manila at mga karatig na lugar kagaya ng Rizal, Bulacan, Cavite — magkakaroon ng 75 centavos kada kilowatt-hour (kWh) na tapyas sa rate.

Dahil mahigit 500 kWh ang konsumo ko buwan-buwan, halos P400 ang mababawas sa bill ko. Malaking tulong ito dahil mailalaan ang naturang savings para sa ibang bayarin!

Ang isang tipikal na pamilyang Pilipino na may 200 kWh na konsumo, nasa P150 ang matitipid ayon sa Meralco.

Bagama’t magandang balita ito, importanteng isaalang-alang pa rin natin ang pagiging matalino at masinop sa paggamit sa kuryente. Kasi kahit anong baba ng rate, kung pataas nang pataas naman ang konsumo, balewala rin. Nakabase pa rin kasi sa konsumo ang kabuuang bill kaya para talagang mapakinabangan ang malaking bawas sa singil ng Meralco, kailangan pa rin nating bantayan ang paggamit natin sa kuryente.

Buti na nga lang kahit papaano, umuulan na kaya nababawasan ang init na kadalasang dahilan kung bakit sumisipa ang konsumo natin kapag tag-init.

Marami pa ring nagrereklamo na kahit anong tipid nila, ‘di naman bumababa ang bayarin. Pero marami rin akong napapansing nakauunawa na talagang nadaragdagan ang konsumo nila kapag ganitong panahon. ‘Di bale na nga raw magbayad ng malaki sa kuryente, kaysa magbayad ng pampagamot sa ospital.

Alam naman natin na mahirap mabuhay nang walang kuryente, pero meron naman tayong pwedeng magawa para mapagaan ang gastusin

Halimbawa na nga lang ang pagiging mas masinop sa paggamit ng kuryente. Marami kasi sa atin ang walang kamalay-malay sa kailangang gawin sa paggamit ng kuryente. Bukas ang TV kahit walang nanonood, nakasaksak ang charger kahit walang ginagamit, at naka-aircon buong gabi kahit kaya namang gumamit ng bentilador. Kung sisimulan nating baguhin ang mga nakasanayan, makatutulong talaga para makatipid sa bawat buwan.

Kung may ekstrang budget, pwede rin mamuhunan sa mga tinatawag na energy efficient appliances. Napatunayan ko talaga ito dahil nung pinalitan ko ng inverter aircon at refrigerator ang mga gamit sa bahay, nangalahati ang bayarin sa kuryente! Kaya naman kahit madalas ko ginagamit ang mga ito, komportable pa rin at hindi masyadong nag-aalala sa mahal na singil. Kung ‘di naman kaya, pwede na ring gumamit na lang ng LED bulbs sa bahay na mas matipid kaysa incandescent o CFL. Pero syempre, dapat din nating sulitin ang natural na liwanag at bentilasyon kaysa laging nakabukas ang ilaw at aircon o bentilador.

Importante ring isabuhay ng lahat ng kasama sa bahay ang disiplina sa paggamit ng kuryente. Kapag may kaalaman at pakialam ang lahat, mas magiging epektibo ang ginagawang pagkontrol sa konsumo.

Hindi natin kayang kontrolin ang taas ng presyo ng langis, ang paggalaw ng piso kontra dolyar at iba pang mga bagay na nakakaapekto sa paggalaw ng singil sa kuryente kada buwan. Pero may magagawa tayo sa loob ng ating sariling bahay.

Kailangan lang natin maging responsable sa ating paggamit ng kuryente. Sa kabilang banda, salamat talaga at may dalang ginhawa itong bawas-singil sa inanunsyo ng Meralco.

250

Related posts

Leave a Comment