AMYENDA SA MOTORCYCLE CRIME PREVENTION ACT

EDITORIAL 

NILAGDAAN ni President Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nag-amyenda sa Motorcycle Crime Prevention Act na nag-aatas sa mga bagong may-ari na mailipat ang rehistro sa loob ng 20 working days.

Nakasaad din sa batas na inuutusan ang may-ari na i-report ang bentahan sa Land Transportation Office (LTO) sa loob ng limang araw.

Inamyendahan din ang Section 5 ng batas na inaatasan ang LTO na mag-isyu ng mas malaki, readable at color-coded na plaka para sa mga motorsiklo.

Ang drivers na walang number plate o readable number plate ay posibleng magmulta ng hanggang P5,000. Malaki ang binawas na multa sa dating P50,000-P100,000.

Habang malaking bagay sa mga may-ari ng sasakyan ang pinababang multa, pinangangambahang mag-aambag din ito sa bilang ng mga lalabag sa batas.

Ang mainam sa bagong amyenda ay hindi maaaring kumpiskahin ang motorsiklo kung may maipakitang rehistro at walang pananagutan ang may-ari.

Hindi kasalanan ng nagmamaneho kung hindi pa naikakabit ang number plate o readable plate.

Ito kaya ay magiging daan ng mabilis na pagpapalabas ng LTO ng plaka?

Matagal nang isyu ang mabagal na pag-isyu ng LTO ng mga plaka kaya inaasahang magbabago ang sitwasyon.

Isang bagay na pwedeng iangal ng mga motorista ang hindi umano makatwirang paglipat agad sa pangalan ng nakabili ang rehistrado ng motor.

Rehistrado pa ang motor kaya hindi muna dapat muling iparehistro para sa paglilipat ng pagmamay-ari. Marami ang bumibili ng motor na segunda mano para makamenos.

Inamyendahan ba ang batas nang walang masusing pag-aaral para sa interes ng mga partido?

Dapat munang tutukan ang mga nagkapatong-patong na plaka na hindi pa nailalabas.

Kung kaginhawaan ng mga motorista ang gustong ipadama ng pamahalaan ay mas makadaragdag ng kaginhawahan ang online na rehistrasyon at ang magkaroon ng lugar na kinaroroonan ng mga ahensya o departamento na dinaraanan ng mga nagpapalipat ng pag-aari ng motor.

Mahirap kung hiwa-hiwalay at malayo sa bawat isa ang mga departamento dahil kinakain ang mahalagang araw ng mga aplikante.

42

Related posts

Leave a Comment