HAWAK na ng mababang kapulungan ng Kongreso ang executive ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na si Krizle Grace Mago na kusa umanong nagpakustodiya para sa kanyang proteksyon.
Ito ang inanunsyo ni House Committee on Good Government and Public Accountability at DIWA Rep. Michael Aglipay matapos dumating si Mago sa Batasan Complex sa Quezon City alas-6:30, Biyernes ng gabi.
“I feel that my life and liberty is in grave danger because of my coming out and my desire to speak the truth,” ayon sa sulat ni Mago kay House Speaker Lord Allan Velasco.
Magugunita na inamin ni Mago sa Senate Blue Ribbon Committee na pinalitan nila ang expiration date ng mga idineliber na face shield kaya tila aniya na-swindle ang gobyerno.
Mula noon naging incommunicado na si Mago kaya humingi ng tulong ang Senado sa National Bureau of Investigation (NBI) para hanapin ito.
“Also now, I came across the information from the news that the police and NBI are tracking me down including my grandparents’ home in the province and took photos and videos without their consent. I truly regret that I am being treated like a fugitive from justice,” ayon pa sa sulat ni Mago.
Sumulat na si Aglipay kay Sen. Richard Gordon para ipaalam na nasa kustodiya na nila Mago.
“Should you require her participation in any of your hearings, please communicate with the Committee Secretariat and we will make the necessary arrangement,” ayon sa sulat ni Aglipay kay Gordon.
Sa sulat din na ipinadala ni Aglipay kay House Sergeant-At-Arms ret. PGen. Mao Aplasca, si Mago ay mananatili sa kustodiya ng Kamara ng hindi bababa sa dalawang buwan. (BERNARD TAGUINOD)
