UMAARAY ang hanay ng mga Pilipinong magsasaka sa anila’y pambabarat sa kanilang mga produktong ani mula sa sakahan, ayon sa isang militanteng grupo sa Kamara.
Giit ng mga kinatawang miyembro ng Bayan Muna, imbestigahan ng House committee on agriculture and food ang umano’y kawalan tugon ng Department of Agriculture (DA) sa mga hinaing ng mga magbubukid kaugnay ng umano’y pambabarat sa kanila ng mga negosyante sa kabila pa ng pagtaas sa presyo ng krudo at abonong gamit sa kanilang pagsasaka.
Sa inihaing House Resolution 2513, target ng mga militanteng kongresista ang pananagutin ang nagsasamantala sa mga magbubukid na anila’y sukdulan na ang pagkakalugmok bunsod sa walang humpay na dagdag-presyo sa krudong gamit nila sa pagsasaka at mga patabang isinasaboy sa taniman.
Anila, ang dapat sanay kasabay na pagtaas ng mga presyong agrikultura, nauwi sa baryang ni hindi sapat para tapatan ang gastusin sa sakahan at taniman.
“Despite rising input costs farmers have been forced to sell select agricultural produce at lower prices,” ayon sa HR 2513.
Anila, nagsimulang baratin ang ani ng mga magsasaka, 20 araw pagkatapos lusubin ng Russia ang Ukraine na lalong nagpataas ang presyo ng langis, na sinabayan pa ng pagpapataw ng umento sa mga abono sa merkado.
Sa reklamo anila ni Jose Vidal ng Occidental Mindoro Provincial Farmers Action Council, napipilitan umano silang ibenta ang kanilang aning sibuyas sa halagang P20 kada kilo mula sa dating P30 hanggang P40. Bagsak presyo na rin ang presyo ng repolyo na binibili na lang sa kanila sa presyong P9 hanggang P10, habang P5 na lang sa kintsay.
“Fernando Bagyan of Apit Tako Kordilyera, a peasant alliance in Cordillera, said that to compensate for the rising prices of oil, fertilizer, and other costs of producing their crops, farmers were left with either selling their crops at a loss or leaving them on the fields to rot and be used as fertilizer instead,” saad pa ng inihaing resolusyon. (BERNARD TAGUINOD)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)