MAHALIN AT IPAGMALAKI NATIN ANG ATING SARILING WIKA

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

NAPAPANSIN n’yo ba dear readers, ang Pinoy, kahit hirap mag-English, sige pa rin, e, mas madali namang masabi ang gustong sabihin kung Tatagalugin, at kung may mga nakikinig man na dayuhan, bahala sila na makinig sa interpreter natin.

Sa ibang bansa tulad ng Japan, China, Korea, ang kanilang mga lider, kapag sila ay nag-i-speech, sariling wika ang ginagamit nila, at may kasama silang interpreter.

Ikinahihiya ba natin ang ating sariling wika?

Sa Senado, Kongreso o sa mga miting ng government agencies, ay naku po, pataasan ng ihi sa pag-i-English, e kaya namang mag-Visaya o mag-Tagalog (o mag-Taglish).

Kasi, pag daw, nag-English, feeling superior, matalino at sosyal, pogi o charming, ismarte pag-Inglesero/a, ganun?

Pansin n’yo ba, sa madalas na pagpunta ng ating President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ibang bansa, dehins siya nagta-Tagalog sa kanyang speech, he’s spokening dollar.

E, pwede namang mag-Tagalog o mag-Taglish o mag-Ilocano si PBBM, ‘di ba?

E, ang mga lider ng ibang bansa tulad ni Chinese President Xi Jinping, kahit marunong mag-English, nagma-Mandarin siya at ang iba pa like Japan at Korea, kahit marunong mag-English ang lider nila, wikang sarili nila kung sila ay magtalumpati o sumagot sa media.

Proud sila sa kanilang sariling wika, ipinagmamalaki ang kanilang kultura, mataas ang respeto o paggalang nila sa sariling wika nila, at hindi nila ikinahihiya na magsalita sa mother language nila.

E, tayo, nakikipagbardagulan tayo ng English sa mga dayong iyon gamit ang sariling wika nila.

It’s time na turuan natin sila, ang mga dayuhang dignitaries, na magsalita ng wikang Pinoy, o kaya magdala sila ng sariling interpreter.

At ito: umpisahan na natin ito sa Senado, sa House at sa mga LGU, sa mga convention, at lalo sa Presidential Communications Office, Philippine News Agency, Philippine Information Agency, mga opisina ng gobyerno at iba pa.

E, mahirap daw, oo kung nasanay nga tayo sa kai-English at kung ito ang idadahilan lagi, paano tayo matututo, at kailan tayo magsisimula na mahalin at irespeto ang ating sariling wika na Tagalog, Ilocano o Waray o iba pang native tongue natin.

***

Tama po na mag-aral tayo at maging expert sa English at iba pang wika tulad ng Mandarin, Nihongo, French.

Pero naman, ‘wag naman nating ikahiya ang pagsasalita ng Tagalog (o Bisaya at iba pang wika), lalo at ang kausap naman natin e kapwa Filipino!

Kung expert tayo sa English, Spanish o Mandarin, aba naman po, mas dapat na maging expert tayo sa Tagalog o Filipino, at ito ang gamitin natin sa mga miting, at mga convention at usap-usapan para tayo ay magkaintindihang mabuti.

Sa wikang dayo tayo nag-uusap, kaya hayan, hindi tayo magkaintindihan.

Kaya maraming Pinoy ang napagsasamantalahan, kasi sa mga kontrata, nakasulat sa English; sa mga usaping legal, English ang gamit.

Panahon na para ang wikang Filipino (Tagalog o Engalog o Taglish) at iba pang wikang sarili, ang gamitin sa mga petisyon, komunikasyon sa mga husgado.

Panahon na para sa mga pantas, edukado, mga eksperto sa wikang sarili na pagtiyagaang isalin ang mga batas na nakasulat sa English.

Opo, mahirap na trabaho ito, pero kailangan na umpisahan na natin.

Umpisahan na ito ng Komisyon ng Wikang Filipino na ang mandato ay pagyamanin, palaganapin ang pagsasalita at paggamit ng wikang sarili natin.

Gawin na itong isang Kagawaran, lagakan ng malaking pondo at magtayo ng isang lupon ng mga ekspertong tagasalin, at simulan na ang pagsasa-Filipino at sa ibang wika ang mga batas, tuntunin, at ibang komunikasyon upang lumaganap sa buong bansa.

Paano tayo magkakaisa kung sa iba-ibang wika tayo mag-uusap at hindi tayo magkakaintindihan?

Paano tayo aasenso kung sa wika lamang, hindi tayo makausad, hindi tayo makalikha ng wikang matatawag na atin talaga?

E ano kung ang mabuong wika natin ay mestiso na halong English, Tagalog, Bisaya at iba pang wika, basta ang importante, magkaroon tayo ng wikang maiintindihan ng lahat ng mga Pilipino sa higit o kulang na 7,641 isla ng Pilipinas.

Kung ang mabuo ay Engalog o Taglish o kung anoman, bahala tayo, basta ang mahalaga, magkaroon tayo ng iisang wikang maiintindihan mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Naalaala ko, sabi ni Dr. Jose Rizal, ang ‘di magmahal sa sariling wika, ano po? … katulad sa malansang isda.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

15

Related posts

Leave a Comment