HAWAK ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 10.7 kilo ng shabu na kanilang nasabat, katuwang ang mga tauhan ng NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at Bureau of Custom, kahapon.
Base sa ulat na isinumite ng PDEA Regional Office NCR sa tanggapan ni PDEA chief Director General Moro Virgilio Lazo, nadiskubre ang nasabat na droga sa Custom Exclusion Room, International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City.
Sa nasabing anti-narcotics operation ay nasamsam ang 10.706 kilograms ng shabu na may standard drug price na umabot sa P72,800,800 na nakapaloob sa inabandonang bagahe.
Base sa nakakabit na tag ng abandoned baggage, napag-alamang nagmula ito sa Johannesburg, South Africa via connecting flight to Manila, Philippines.
Ayon sa PDEA, pakay ngayon ng malalimang imbestigasyon ang sender at recipient ng nasabing bagahe at paghahain ng kaukulang kaso kaugnay sa paglabag sa RA 9165.
Patuloy na sinusuri ng PDEA Laboratory Service ang nasamsam na droga.
Babala ni Director Emerson R. Rosales, Regional Director ng PDEA RO NCR, sa publiko, ang pag-angkat ng illegal drugs papasok ng Pilipinas ay ilegal, mahigpit na ipinagbabawal at may katapat na parusang habambuhay na pagkabilanggo bukod sa multang aabot sa P500,000 to P10 million. (JESSE KABEL RUIZ)
