INILAGAY ng Inter-Agency Task Force ang Abra, Baguio City at Bohol sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) “with heightened restrictions” mula Setyembre 24 hanggang 30.
Sa isang kalatas, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang Ilocos Norte, ay inilagay naman sa ilalim ng GCQ sa kapareho ring panahon.
Habang nasa ilalim ng GCQ “with heightened restrictions status” ang mga nasabing lugar, ang indoor dine-in services ay maaaring mag-operate ng 20% venue o seating capacity, habang ang al fresco o outdoor dining services ay 50% capacity.
Ang beauty salons, parlors, barber shops, at nail spas ay maaaring mag-operate ng hanggang 30% capacity, habang ang outdoor tourist attractions ay papayagan naman ng hanggang 30% venue capacity na may mahigpit na pagsunod sa minimum health protocols.
Ang mga business establishment na may safety seal certifications ay papayagan na mag-operate “at an additional 10% beyond the prescribed on-site capacity or venue or seating capacity, whichever is applicable.”
Gayunman, sinabi ni Sec. Roque na ang meetings, conventions, exhibition events, at social events sa venue establishments ay hindi pa rin papayagan.
Ang Indoor sports courts at venues at indoor tourist attractions ay hindi rin papayagan na mag-operate.
Ang mga religious gatherings ay papayagan ng hanggang 10% ng venue capacity.
Maaari naman aniyang taasan ng Local government units (LGUs) ang allowable venue capacity ng hanggang 30%. (CHRISTIAN DALE)
