Sa panahon ni Pangulong Corazon Aquino unang nagkaroon ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at National Democratic Front (NDF) at ito ay nangyari sa ilalim ng “democratic space” matapos ang 1986 EDSA People Power Revolution.
Si Speaker Ramon Mitra ang unang pinuno ng GRP panel samantalang ang mga dating peryodistang sina Antonio Zumel, Satur Ocampo at asawa nitong si Bobbie Malay ang mga miyembro ng NDF panel. Dati ring peryodista si Mitra kung kaya madali para sa kanila ang mag-usap.
Pero sadyang mailap ang kapayapaan dahil sa ilang minutong kiskisan sa Mendiola sa pagitan ng mga pulis at militar at mga miyembro ng militanteng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ay nangyari ang “Mendiola Massacre” noong Enero 22, 1987 kung saan 16 na magsasaka ang namatay sa tama ng bala.
Kaagad na umatras sa peace talks ang NDF at mabilis na bumalik sa Utrecht, Netherlands si Zumel samantalang si Satur Ocampo ay muling nag-underground hanggang muling mahuli siya sa Makati City noong 1989.
Nabuksan muli ang peace talks sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos at sa pamamagitan ng mahusay na diplomasya ni Speaker Jose de Venecia na siyang pinuno ng GRP panel, nabuo ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na nagbigay ng kalayaan sa ilang matataas na opisyal ng NDF at Communist Party of the Philippines na lumantad para lumahok sa usapang pangkapayapaan.
Nasundan pa ang JASIG ng pagpirma sa pagitan ni Speaker De Venecia at NDF ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Laws (CARHRIHL) pero hindi na umabante sa mas seryosong mga usapin sa ekonomiya at politika dahil natalo sa pagka-pangulo si De Venecia noong 1998 elections.
Walang naging progreso ang peace process sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada dahil mas pinili nitong makipag-digma laban sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at kung hindi nagkaroon ng EDSA 2 ay kasunod na sana ang all-out war laban sa mga rebeldeng New Peoples Army (NPA).
Hindi rin sumulong ang peace talks sa ilalim ng gobyerno ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga usapin ng malawakang paglabag sa mga karapatang pantao partikular ang mga enforced disappearances sa mga militante na isinagawa ng mga tauhan ni Maj. Gen. Jovito Palparan.
Wala ring kalitatibong pag-usad ang usapang pangkapayapaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino dahil na rin sa paglalagay niya ng mga miyembro ng GRP panel na mortal na kaaway ng CPP sa usapin ng idolohiya.
Sa ilalim sana ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte magkakaroon ng kalitatibong pag-igpaw ang peace process pero dahil na rin sa serye ng mga taktikal na opensiba ng NPA laban sa mga sundalo at pulis ay minabuti ng pangulo na itigil muna ang peace talks.
Umaabot na rin sa 40,000 katao, kabilang ang mga sibilyan, sundalo at rebeldeng NPA ang napapatay sa pinakamahabang communist insurgency sa buong mundo na 50 taon nang tumatakbo.
Nasa kamay ni Pangulong Duterte kung magpapatuloy ang usapang pangkapayapaan sa NDF o magkakaroon ng panibagong all-out war ang Armed Forces laban sa puwersa ng CPP-NPA bago matapos ang termino ng pangulo sa Hunyo 30, 2022. Ano nga kaya? (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
