CAVITE – Nabuwisit sa ingay ang isang bolo maker naging dahilan upang gilitan nito sa leeg ang isang obrero na napadaan sa kanilang bahay sa bayan ng Ternate sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa San Lorenzo Hospital ang biktimang si Romeo Bangcayao, may asawa, ng Crasher, Sapang 1, Ternate, Cavite.
Arestado naman ang suspek na si Ronald Dulay, 32, isang bolo maker, ng Sapang 1, Ternate, Cavite.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ernesto Gayyed Jr., ng Ternate Police, dakong alas-11:30 ng gabi nang dumaan ang biktima, kasama ang kanyang mga kaibigan, sa harap ng bahay ng suspek kung saan maingay na nag-selfie sa kanilang cellphone.
Sinasabing nairita ang lasing na suspek sa pag-iingay ng grupo ng biktima.
Nang pauwi na ang biktima ay bigla itong hinarang ng suspek at ginilitan sa leeg ng matulis na bagay.
Mabilis na isinugod ang biktima sa ospital habang ang suspek ay nadakip sa follow-up operation ng mga barangay tanod. (SIGFRED ADSUARA)
366
